Disyembre 1, 2024
MABUTING BALITA
Lucas 21, 25-28. 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
“Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Adbiyento na! Bagong taon na sa kalendaryo ng Simbahan at ito ay nagsisimula sa paghihintay. Subalit ang paghihintay na ito ay hindi sa dilim. Ito ay may liwanag ng pag-asa. Sa pagsabi ng Diyos na Siya ay darating, matutupad ito. Maasahan natin ang Kanyang salita na hindi lumilipas. Kaya nga ngayong panahon ng Adbiyento, mayroong hamon sa atin. Nariyan ang pagbabadya ng napakaraming handaan at kaganapan sa buhay ngunit naririto rin ang paanyaya ni Hesus sa atin na mas magnilay, mas manahimik at mas manalangin. Kaya ang kulay na makikita natin sa simbahan ay lila. Tulad ng sa Kuwaresma, tinatawagan tayong maghintay at magsisi sa kasalanan. Ang paghahandang kailangan ay espirituwal. Ang hamon at paanyaya sa atin ay magawa ito sa gitna ng pagiging abala natin. Maglaan tayo ng oras para kay Hesus dahil para sa Kanya ang panahong ito. Huwag nating kalimutan ang may kaarawan – si Hesus. Nais Niyang maghanda tayo sa paggunita sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng mas maraming oras sa Kanya para pasalamatan Siya sa ating buhay; magsuri ng sarili at mga pagkululang sa Kanya. Ito ay para pagdating ng Pasko, tayo ay tuluyang mabago ng Kanyang grasya at awa. Alalahanin nating ang panahon na ito ay paggunita rin sa Kanyang pangalawang pagdating. Walang nakakaalam kung kailan ngunit siguradong darating ito. Nawa ay handa tayo kapag dumating ang panahong iyon at hindi abala sa maraming bagay. Amen. +