Inaalala at ginugunita natin ngayong araw si San Franciso Javier, isang pari. Bago siya nakilala bilang isa sa naging kasama ni San Ignacio ng Loyola sa pagtatatag ng mga Heswita, isa siyang makamundong tao na may mataas ng ambisyon sa kanyang sarili. Nais niyang maging mayaman at matagumpay sa buhay. Naka sentro sa kanyang sarili ang kanyang pangarap ngunit nagbago ito noong makilala niya si San Ignacio ng Loyola. Pinaniniwalaan na isa sa mga talata sa Bibliya na nagpabago kay San Francisco Javier ay noong sinabi ni Hesus, “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?” (Mateo 16:26). Matapos nilang itinatag ang kanilang grupo bilang mga unang Heswita, siya ay inatasan na maging misyonaryo. Siya ay naglakbay, nagpahayag ng Mabuting Balita, nagtayo ng mga Simbahan at nagbinyag sa iba’t ibang panig ng Asya upang maging Kristiyano ang mga tao na hindi pa nakakikilala sa ating Panginoon. Ilan sa mga tanyag na bansa na nabisita niya ay ang India at Japan ngunit namatay si San Francisco Javier nang hindi nakakalapag sa Tsina. Pinaniniwalaan na mga 30,000 na tao ang kanyang nabinyagan at naging kasapi ng ating Simbahan dahil sa kanyang dedikasyon.
Maaaring ang ating ambisyon sa buhay ay naka sentro lamang sa ating sarili ngunit iniimbitahan tayo ng Diyos na malaman natin na Siya ang tunay na sentro ng ating buhay. Para saan pa ang pagiging mayaman at tanyag natin kung hindi naman maliligtas ang ating kaluluwa? Kung paniniwalaan natin ito, tayo rin ay magiging instrumento upang mapalaganap ang Kanyang Kaharian tulad ng pagbabago na naranasan ni San Francisco Javier. Kaya mahalaga na kung may pagkakataon, magkaroon tayo ng “spiritual director” na maaari nating maitanong sa mga pari na makakatulong sa atin upang malaman natin ang ating bokasyon sa buhay, maging ito’y pagiging pari, madre, consecrated lay, relihiyoso, relihiyosa, o sa buhay mag-asawa. Itanim din natin sa ating puso ang Mabuting Balita at sikapin nating alamin sa ating panalangin kung ano ang misyon na ibinigay ng Diyos sa atin. Paano natin mailalapit ang mga tao sa Kanyang Pag-ibig? Nawa’y ang ambisyon na ating hahangarin ay ang makapagbigay puri sa Diyos at makatulong sa kaligtasan ng mga kaluluwa. Ito ang ambisyon na nakalimutan na ng sekular na kultura na nais ibalik ng ating Panginoon sa ating kaisipan at puso.
San Francisco Javier, ipanalangin mo kami.