Ipinagdiriwang natin tuwing ika-2 ng Oktubre ang Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod.
Ayon sa turo ng Simbahan, ang bawat tao sa mundo kahit hindi Katoliko ay mayroong nakatalagang anghel na tagatanod o “guardian angel.” Tungkulin ng mga anghel na ingatan tayo sa bawat sandali ng ating buhay, ipagdasal tayo, tulungan tayo sa pagpapakabanal at ilapit tayo sa Diyos lalo na sa sandali ng ating kamatayan. Ang mga anghel ay tanda ng pag-ibig ng Diyos. Sila ay ibinigay Niya sa atin upang higit nating madama ang Kanyang paggabay at pagkalinga sa atin.
Kaugnay ng ating pagdiriwang sa araw na ito, iniimbitahan tayo upang palaging lumapit sa ating mga anghel na tagatanod. Ang panalangin na Angel of God ay hindi lamang panalangin ng mga bata, kundi panalangin ng isang tao na nagtitiwala sa pag-iingat ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel. Bagamat hindi tayo magiging anghel kapag tayo ay namatay, dahil ayon sa turo ng Simbahan na ang mga anghel ay nilikha ng Diyos sa simula pa lamang ng panahon, maaari naman nating tularan ang kabanalan ng mga anghel. Kagaya nila, tayo rin ay tinatawag upang maglingkod at magpuri sa Diyos. Sa tulong ng kanilang mga panalangin ay magawa nawa natin ang bagay na ito.
Mga anghel na tagatanod, ipanalangin ninyo kami!