Si San Francisco de Asís ay ipinanganak noong 1181 sa bayan ng Asis (o Assisi) sa bansang Italya. Ang kanyang pamilya ay mayaman kaya naman si Francisco ay lumaking mahilig sa magagarang kasuotan at madalas na dumadalo sa mga kasiyahan. Nagbago ang lahat nang marinig niya ang tawag ng Diyos. Tinalikuran niya ang kanyang marangyang pamumuhay upang sundin ang isang buhay ng kapayakan at paglilingkod. Noong 1209, itinatag niya ang Order of Friars Minor (o mas kilala ngayon bilang mga Pransiskano), isang kongregasyon na nakatuon sa pamumuhay ng payak, pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pagtulong lalo na sa mga mahihirap.
Nakilala rin si San Francisco dahil sa kanyang matinding pagmamahal sa kalikasan at lahat ng nilalang ng Diyos, kabilang ang mga hayop. Ayon sa mga kwento, si San Francisco ay madalas makipag-usap sa mga hayop at tinuturing sila bilang kanyang mga kapatid. Kaya nga tuwing sumasapit ang kanyang kapistahan ay nagkakaroon ng pagbabasbas sa mga alagang hayop bilang paggunita sa kanyang pagmamahal sa kanila.
Siya ay ipinahayag bilang santo ng Simbahang Katolika noong Hulyo 16, 1228, dalawang taon pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang kapistahan ni San Francisco ay ipinagdiriwang tuwing Oktubre 4.
Sa maraming pagkakataon, tayo rin ay tinatawag ng Diyos upang mamumuhay ng payak gaya ni San Francisco. Ipinakita niya na hindi ang mga materyal na bagay ang sukatan ng tunay na kaligayahan. Kaya hangarin natin ang pagpapahalaga sa mga bagay na espiritwal kaysa makamundo. Maglaan tayo ng oras para magdasal araw-araw at sa pagsisimba tuwing Linggo. Magtiwala tayo sa kabutihang-loob ng Diyos habang ginagawa ang mga bagay na dapat nating gawin. Sa tulong ng mga panalangin ni San Francisco, makita nawa natin lagi ang pagkilos ng Diyos sa ating mga kanya kanyang buhay. Maalala nawa natin na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan. Mahal tayo ng Diyos kaya magtiwala tayo sa Kanya.
San Francisco de Asis, ipanalangin mo kami!