Inaalala natin ngayon si Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus. Hindi lamang siya isang madre ngunit isa rin siyang pantas ng Simbahan kaya napakahalaga ng iniwan niyang katuruan sa atin sa pamamagitan ng kanyang buhay. Naging tanyang ang “Little Way” ni Santa Teresita sapagkat nakatulong ito upang mapalapit tayo sa ating Panginoong Hesus at maunawaan kung paano isabuhay ang pagiging mapagpakumbaba. May mga pagkakataon na nagkakaroon ng maling pagkaunawa patungkol sa kahulugan ng pagpapakumbaba. Sa iba, tila ay lagi nila minamaliit ang kanilang sarili at lagi na lamang mali ang kanilang nakikita sa kanilang buhay. Ngunit, para kay Santa Teresita, ang tunay na mapagpakumbaba ay ang taong marunong makita ang mga biyayang natatanggap niya sa Diyos. Ito ay ang tao na nagagalak sa mga positibong nangyayari sa kanyang buhay sapagkat alam niya na ang lahat ng biyaya ay regalo mula sa Panginoon.
Bukod pa rito, may ibang tao naman na hindi na nagpupursige sa kabanalan sapagkat sa kanilang pananaw ay makasalanan naman sila. Gayunpaman, hindi ito tunay na pagpapakumbaba para kay Santa Teresita. Ayon sa kanya, ang tunay na pagpapakumbaba ay may kaakibat na pagmamahal kay Hesukristo. Napakahalaga sa atin na maamin natin sa ating sarili ang ating mga pagkukulang at kasalanan. Ginagawa natin ito upang magkaroon tayo ng pag-asa sa ating Diyos at hindi lang sa ating sariling lakas. Kung nakatuon ang ating paningin sa habag at pag-ibig ni Hesus, magagawa nating bumangon sa kabila ng lahat ng pagsubok. Dahil dito, inaasam ni Santa Teresita na maging dakilang santo, hindi dahil sa pagmamataas, kundi dahil sa kanyang tiwala sa kapangyarihan ng Diyos na kaya tayong baguhin kung tayo lamang ay handa magpapakumbaba tulad ng isang bata. Marahil pakiramdam natin ay malayo pa tayo sa mga dakilang gawa ng mga kilalang santo. Kung ganito ang ating naiisip, higit na mahalaga na tingnan natin ang halimbawa ng santo na ating ipinagdiriwang ngayon sapagkat ang pagpapakumbaba ang daan natin patungo sa buhay na walang hanggan.
Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus, ipanalangin mo kami.