MABUTING BALITA
Marcos 10, 2-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”
Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”
May nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao”. Kaya tutol ang Simbahan sa diborsyo ay dahil hindi naman kinikilala sa mata ng Diyos ang diborsyo. Samakatuwid, sa mata ng Diyos, kasal pa rin ang dalawang tao kung sila ay ikinasal sa Simbahan at hindi sumailalim sa pagpapawalang bisa o annulment sa simbahan. Kung gustong mag-asawa muli, dapat pati rin sa legal na paraan ay pinawalang bisa ang kasal.
Annulment lang ang katanggap-tanggap sapagkat dahil dito, sinasabing walang balidong kasal na nangyari simula noong una. Sa diborsyo, sinasabing may kasal na naganap pero balewala na. Kasasabi lang sa kasulatan ngayon na hindi maaaring balewalain ng tao lamang ang kasal.
Kahit pa sa legal na paraan mangyari ang diborsyo, dahil dala-dala nito ang pangalan ng kasal na orihinal na gawa ng Diyos, maaring masanay ang tao sa paghihiwalay sa kung ano lamang na dahilan pati na rin sa pagbabalewala nito. Mas mainam kung ang proseso ng annulment ang ating ayusin at ipagdasal na maisaayos upang mas mapadali ang proseso nito lalo’t para sa mga talagang nangangailangan tulad ng mga inabuso o mga matagal ng hiwalay.
Higit sa lahat, kailangan magtulungan ang gobyerno at Simbahan sa pagtuturo sa mamamayan ng tamang pamamaraan ng paghahanap ng asawa, ang pagganap sa buhay may-asawa, pagiging responsableng magulang, paghahanap-buhay, at marami pang ibang tutulong sa mga tao upang mapanatiling maganda ang samahan ng mag-asawa bilang pundasyon ng pamilya. Marami mang nagkakamali ngunit may solusyon. Maari ring mapigilan ang mga susunod pang problema kung maraming mag-aaral ng tungkol sa pag-aasawa at pamilya at magtuturo nito para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon base sa katuruan ng Simbahan at sa tulong na rin ng sikolohiya. Ipanalangin natin ito para sa kapakanan ng bokasyon ng pag-aasawa at pamilya. Amen. +