Sa ating ebanghelyo, ang ama ng batang namatay na ang unang kumatok sa puso ni Hesus. Siya’y isang mataas na opisyal. Tinitingala marahil ng napakarami ngunit siya’y nagpakababa sa harapan ni Hesus.

Hunyo 29, 2024.
MABUTING BALITA
Marcos 5, 21-43
o kaya:
Marcos 5, 21-24. 35b-43
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalimpumpunan na siya ng maraming tao. Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan, at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy.
Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na. At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Magbangon ka!” Ito ang sambit ni Hesus sa isang batang patay na ngunit nabuhay pa. Sa ganoon ding paraan, anu-ano kaya ang mga bahagi ng ating buhay na tila nanamlay o patay na? Lagi itong kayang buhayin ng Diyos kung ito’y makabubuti sa atin na ayon sa Kanyang kalooban. Hindi mabibilang ang awa ng Diyos at ito’y matatanggap ng sinumang kumakatok sa Kanyang puso.
Sa ating ebanghelyo, ang ama ng batang namatay na ang unang kumatok sa puso ni Hesus. Siya’y isang mataas na opisyal.
Tinitingala marahil ng napakarami ngunit siya’y nagpakababa sa harapan ni Hesus. Ang mga magulang ay mayroong responsibilidad na dalhin ang mga anak sa Diyos at hubugin sila sa pananampalataya. Hindi ito makikita sa simpleng salita lamang kundi lalong lalo na sa gawa. Kailangang makita sa mga magulang na sila’y tunay na nananalig sa Diyos at susunod ang mga bata. Dahil sa ama, nagkaroon ulit ng buhay ang anak.
Ang ikalawang buhay naman na maipagkakaloob ng isang magulang sa anak ngayon ay ang buhay ng walang hanggan kung matututo tayong turuan sila ng lahat ng bagay ukol sa Diyos. Kung nais nating sila’y tunay na proteksyunan sa mundo, turuan natin ang mga bata na mahalin ang Diyos, kilalanin Siya nang lubos at sundin ang Kanyang mga utos. Wala nang ibang mas hihigit pa na dapat ipasa ng mga magulang sa anak kundi ang kayamanan ng pananamapalataya, panalangin at pagkilala sa Diyos. Kapag ito’y naibigay ng isang magulang sa kanyang anak, ang pinamana niya ay higit pa sa lahat ng yaman sa mundo.