Tuwing unang araw ng Nobyembre ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal o All Saints' Day. Ito ay paggunita sa lahat ng mga santo, kilala man o hindi.
Sino nga ba ang mga santo at santa? Bilang mga Katoliko, naniniwala tayo na ang mga santo at santa ay mga taong nagtagumpay sa pakikibaka sa mundo at ngayon ay buhay sa piling ng Diyos sa langit. Hindi natin sila sinasamba kundi pinararangalan. Ipinagdarasal nila tayo upang balang araw ay marating din natin ang langit kagaya nila.
Sa ating ebanghelyo sa araw na ito, mapakikinggan natin ang “Mga Mapapalad” o “The Beatitudes”. Dito sinabi ni Hesus kung sino nga ba tunay na mapapalad - ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, ang mga nahahapis, mapagpakumbaba, mahabagin, ang mga may malinis na puso, mga taong gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, at ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung tutuusin, hindi sila ang itinuturing na mapalad sa mundo natin. Para sa karamihan, ang mga mayayaman, sikat, at makapangyarihan ang tunay na mapapalad. Pero tandaan natin na iba ang pamantayan ni Hesus. Hindi Siya tumitingin sa katayuan ng isang tao o sa materyal na bagay na mayroon. Ang tanging mahalaga para sa Panginoon ay ang ating puso na marunong magmahal at nagpapakabanal. Ito ang susi upang maging tunay na mapalad! Ito ang sinikap na isabuhay ng mga santo at santa sa langit.
Hindi naman gumawa ng mga ekstraordinaryong bagay ang mga santo at santa. Kundi, ginawa nila ang mga ordinaryong bagay nang may pagmamahal. At ito ang nagpapabanal sa kanila. Halimbawa, ang simpleng pagluluto o paglilinis nang may pagmamahal sa puso ay maiaalay sa Diyos. Tanda ang mga ito ng kababaang loob. Ang kabanalan ay wala sa magagarbong bagay. Magagawa nating maisama ang Diyos sa araw-araw nating pamumuhay. Alalahanin natin Siya lagi sa buong araw. Sa halip na laging magbrowse sa Facebook bilang pang-aliw, bakit hindi natin subukang kausapin ang Diyos sa mga pagkakataong iyon?
Sa ating pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, kumustahin natin ang ating sarili: ano ang lagay ng ating puso? Ito ba ay pusong nagmamahal at nagpapakabanal? Kasi kung oo, maituturing din tayong tunay na mapalad.
Dalangin ko na maging mga santo at santa tayong lahat. Magkita kita tayo sa langit balang araw!
KN Marcelo | OLA Social Communications