MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga panahong iyon, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba, mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?” Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Tuwing Linggo ay may obligasyon tayong magtungo sa tahanan ng Diyos upang magsimba. Ngunit higit sa pagiging obligasyon, kailangang maunawaan natin kung bakit ito niloob ng Diyos at kung bakit kailangan nating gawin ito. Sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon,“Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”
Kung hindi tayo magsisimba at kakain ng Kanyang Banal na Katawan at Dugo, wala tayong buhay na walang hanggan. Si Kristo mismo ang puting ostiya na ating tinatanggap. Sa Kanya mismo nagmumula ang buhay na walang hanggan. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa Krus at mula sa Krus, sa Banal na Eukaristiya para ating kanin. Kung paanong nagkasala ang tao sa pamamagitan ng pagkain, sa ganoong pagkain din ng Banal na Ostiya tayo maliligtas.
Dahil dito, maibabalik tayo sa ating pakikipagkaisa sa Diyos kung isinasapuso natin ang taimtim na pagsamba sa Banal na Misa. Matapos ay mamumunga ito ng maganda sa atin lalo sa ating pakikipagkapwa-tao dahil si Hesus ay nananahan at naghahari sa atin. Dahil sa presensiya ni Hesus sa ating puso, kaluluwa at katawan, tumitibay tayo para labanan ang mga tukso, masasamang isip at hangarin natin sa loob. Paano tayo makakalaban nang tayo lang?
Ang tao ay likas na mahina at kailangan natin ng Diyos. Kailangan natin si Hesus. Kailangan natin ang Banal na Eukaristiya o ang pagsisimba. Kapag inamin nating tayo ay maraming kakulangan at kailangan natin ng Diyos, sasaklolo Siya sa atin.
Sa pananahan Niya sa ating puso, katawan at kaluluwa, tuturuan Niya tayo ng maraming bagay para magawa natin lagi ang tama para sa Kanya at para sa kaligtasan ng ating kaluluwa.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.