Enero 9, 2024.
Tuwing darating ang kapistahan ng Poon ay napakaraming mga protestante ang tumutuligsa sa mga Katoliko dahil daw sa pagsamba sa imahen. Bilang mga binyagan, trabaho nating alamin at ipagtanggol ang ating pananampalataya. Hindi pagsamba ang ginagawa natin kundi isa lamang pagpapahayag ng debosyon. Ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay tumutulong sa atin na pagnilayan ang Kanyang paghihirap at pagpapakasakit sa Krus.
Isang napakagandang paalala ito na matapos ang panahon ng Kapaskuhan at kasiyahan ay kailangan naman nating ihanda ang ating sarili para sa darating na Kuwaresma at mga mahal na araw. Matapos ng lahat ng mga saya ay mayroon ding panahon upang magsakripisyo at magtrabaho para sa ikabubuti ng marami.
Ang Hesus na may pasang Krus ay tanda ng dinanas na pagpapakasakit ni Hesus bilang ating Tagapagligtas. Isa rin itong tanda ng paghihirap ng karamihan. Ang mga mahihirap ngayon ay patuloy na nagdurusa at nagbubuhat ng kani-kanilang krus dahil sa panlalamig ng mga may kaya na tila nakakalimot nang tumulong sa iba. Sila at ang mga deboto ay salamin ng naghihirap na Hesus na tila nagbubuhat ng krus nang mag-isa.
Ang walang salang Tagapagligtas na nagbubuhat ng Krus ay nagdadala ng kapahingahan at kaluwagan sa mga taong parehong nagdurusa rin at Diyos lamang ang nagiging sandigan.
Hindi ito pagsamba. Iisa lang ang pagsamba ng mga Katoliko - ito ay ang Banal na Misa. Iyon ang pinakamataas na pagpapahayag ng debosyon kay Hesus sapagkat minamahal at tinatanggap natin mismo Siya sa Banal na Misa. Si Hesus mismo iyon sa anyo ng puting tinapay. Siya mismo sa Banal na Misa ang sinasamba natin na hindi matatagpuan saan mang simbahang itinatag ng tao kundi sa nag-iisang Simbahang Katolikang itinatag mismo ni Hesus.
Sama-sama nating ipahayag ang ating pananampalataya at tanggapin si Hesus sa Banal na Eukaristiya!
Viva Señor Nazareno!!!
Viva Poong Jesus Nazareno!!!
Marga de Jesus | OLA Social Communications
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina