Maraming panahon na ang lumipas nang sakupin ng mga banyaga ang ating bayan na hitik sa kasaysayan at kayamanan na siyang ipinagmamalaki ng ating mga ninuno noong una pa man. Bahagi nito ang kulturang Pilipino na hindi mawawaglit kailanman na siya ring bahagi at salamin ng ating pagkakakilanlan. Mula rito, isang kultura ang masidhing pinahahalagahan ng maraming Pilipino magmula noon at magpahanggang ngayon; ang pagsasayaw, pagsabay sa saliw ng musika nang may indak. Bawat rehiyon ay may ipinagmamalaking sayaw na kanilang itinatangi at patuloy na nililinang tulad ng sa kalakhang Maynila, partikular na sa Lungsod ng Marikina, isang natatanging sayaw na hindi lamang basta pumapatungkol sa pag-ibig, pagsinta, at pag-irog kundi maiuugnay din sa marubdob na pamamanata at pamimintuho sa Ina at Birhen ng mga Marikeño; ang Lerion na sayaw ng masidhing pagsinta at pag-irog tungo sa debosyon at pamimintuho.
Ang kasaysayan ng Lerion ay maituturing na yaman ng kultura na maikokonekta sa ugnayan ng lipunan at simbahan. Ang sayaw na ito ay nagmula sa Barangay ng Parang at nadiskubre sa pamamagitan ng yumaong Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw na si Francisca Reyes Aquino at residenteng si Simeona Chanyungco. Kilala noon ang nasabing barangay bilang pang-agrikulturang lupain. Pagkatapos ng pagtatanim at pag-aani, nagkakatipon ang magsasaka at nagsasaya sa pamamagitan ng pagpapatugtog at pagsabay sa saliw ng musika. Ang awiting bayan na Leron, Leron Sinta ang itinuturong inspirasyon na pinaghalawan sa Lerion na pumapatungkol sa katangiang pangkapaligiran. Sa paglipas ng panahon, hindi lamang pamayanan ng Parang ang nagsasagawa nito ngunit dahil sa katangiang taglay ng Lerion, naiugnay din ito sa pamamanata at pamimintuho sa Ina ng mga Walang Mag-ampon bilang sayaw ng masidhing pagsinta at pag-irog sa Birhen ng mga Marikeño. Ang sayaw na ito ay inihahandog bilang pagkilala sa patuloy na pagbuhos ng biyaya sa Lungsod ng Marikina at pasasalamat sa Mahal na Ina sa walang mintis na pagkalinga at pagtangkilik sa kaniyang inanak na bayan.
Simple lamang ang pagsayaw ng Lerion na maiuugnay sa gawi ng bawat Marikeño. Mula sa pananamit, emosyon, at disiplina sa pag-indak na patunay sa natatanging kultura at kasanayang maka-Pilipino at makabayan. Sa darating na pistang pamparokya at pambayan, muling masasaksihan ang sayaw na ito bilang pagpupugay sa patuloy na pagdaloy ng pag-ibig ng Diyos sa bawat isa lalo na sa Lungsod ng Marikina.
Ang yaman ng kultura at kasaysayan ay kinakailangang linangin, palaguin, at papag-ingatan. Tulad ng Lerion, magsilbi nawang tagapagtangkilik ang bawat isa sa patuloy na pag-usbong at pag-iral ng patuloy na binubuhay at binibigyang kulay na pagkakakilanlan. Maging daluyan din nawa ito ng marubdob na pananampalataya at ugnayan ng Diyos at tao tulad ng Mahal na Birheng Maria na tagapamagitan ng mga Marikeño tungo sa pagsampalataya kay Hesukristo na ating Panginoon at manunubos.
Halina sa Marikina,
Lerion ang indak, saliw ng musika.
Samahan ang Birheng Maria,
Gunitain at siya’y ipagpista
Bilang Ina at Reyna ng Marikina.
Para sa iba pang kaalaman ukol sa Lerion, narito ang ilang references:
•http://www.geocities.ws/jkandres/portfolio/trial2/music.html
•https://marikina.weebly.com/lerion-folk-dance.html
Gabriel Hans V. Ordonez | OLA Social Communications