Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Inaalala natin ang mga santo at santa na nasa langit. Ang mga banal na nasa kaharian ng Diyos ay hindi lamang limitado sa mga kilalang santo sa ating Simbahan kundi marami pang ibang tao na namuhay ng naaayon sa kalooban ng Diyos. Sa ating kultura, maaaring isipin ng iba na ang katanyagan at kayamanan ang pinakamahalaga. Ngunit, hindi natin madadala ang mga ito sa langit at maaari pang maging hadlang sa ating paglalakbay patungo sa Diyos. Sa katotohanan, ang tunay na magbibigay ng kasiyahan sa atin ay ang pag-ibig sa ating Panginoon dahil Siya mismo ang unang umibig sa atin.
Sa ating dakilang kapistahan ngayon, inaalala natin ang halimbawa ng mga banal na modelo para sa ating ispiritwal na pamumuhay. Binigyan sila ng grasya at lakas ni Hesukristo, hindi lamang upang magtagumpay sila sa kanilang hangarin na makasama Siya sa Kanyang kaharian, kundi upang magbigay ng pag-asa sa atin. Ito ang pag-asa na sa kabila ng ating kahinaan at kasalanan, kung tayo ay aasa sa Diyos, tayo rin ay magiging banal. Lahat tayo ay may potensyal na maging santo sapagkat lahat tayo ay mahal ng Diyos at lahat tayo ay may misyon mula sa Kanya. Sa mahalagang araw na ito, tayo ay humiling ng tulong, sa pamamagitan ng ating mga panalangin, sa mga banal upang matanggap natin ang mga grasya na kailangan natin sa ating paglalakbay. Sa tulong ng kanilang mga dasal, makakamit natin ang buhay na walang hanggan kapiling ang Maykapal.
Lahat ng mga santo sa kalangitan, ipanalangin ninyo kami.