Ipinagdiriwang ang Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria sa eksaktong siyam na buwan matapos ang Kalinis-linisang Paglilihi sa kanya. Ang kapanganakan ni Maria ay isa sa tatlong kapistahang liturhikal kung saan ipinagdiriwang kapanganakan – ang kapanganakan ni Hesus, ni Santa Mariang Birhen at ni San Juan Bautista. Tanging tatlong pinakamahalagang tao ang tumanggap ng karangalan na gunitain ang kanilang kapanganakan.
Makikita natin sa kapanganakan ni Maria na ang bawat pagsilang ng tao ay nagbibigay kaligayahan at pag-asa sa mundo. Ipinanganak si Maria upang magbigay kasiyahan, pag-ibig at kapayapaan sa mundo. Binibigyang diin nito ang ginampanan ni Maria sa ating kaligtasan. Siya ang nagdala kay Hesus sa kanyang sinapupunan. Inihanda niya si Hesus at sinamahan hanggang sa kamatayan. Si Maria ang pinakamagandang halimbawa sa pagsunod sa Diyos. Siya’y may mababang loob, masunurin, at maibigin. Tularan natin Siya upang tayo rin ay maging daluyan ng pag-ibig at kapayapaan ng Diyos. Sa kapanganakan ng Mahal na Ina, inilagay sa kanya ng Diyos ang kanyang misyon. Iyon ay maging Ina ni Hesus. Nang tayo’y ipanganak, tayo rin ay may misyon dito sa mundo. Dala natin ang kasiyahan at kapayapaan sa ating kapanganakan. Gampanan natin ang ating misyon sa mundo dahil ito ay ibinigay sa atin ng Diyos at ang dahilan ng ating paglikha.
Sa kaarawan ng Mahal na Ina, simpleng bagay lamang ang hiling niya sa atin. Sumunod tayo kay Hesus at isabuhay ang mga salita Niya. Sa simpleng pagkakawanggawa o kaya sa simpleng pagngiti natin sa ating kapwa ang nagbibigay kasiyahan sa kanya. Sa pagsunod natin kay Hesus at sa mga halimbawa ni Maria, tayo’y nagdudulot ng kasiyahan at kapayapaan sa mundo. Tayo’y magpakumbaba at naging banal. Sumunod tayo sa Diyos at sumagot ng “oo” sa Kanyang pagtawag. Sa araw-araw na ating pamumuhay, simpleng bagay lamang ang hiling ng ating Mahal na Ina, gawin natin ang lahat ng ating gawain nang may pag-ibig. Maliit man na bagay, ito’y nagbibigay ng malaking kasiyahan sa Diyos at sa Mahal na Ina.
Maligayang Kaarawan Mahal na Ina. Ipanalangin mo kami tuwina.