Si Santa Teresa ng Kolkata o mas kilala bilang Mother Teresa ay isinilang noong ika-26 ng Agosto, 1910 sa Skopje, Macedonia. Noong siya ay labing walong taong gulang ay napagpasiyahan niyang maging madre dahil naniniwala siyang ito ang nais ng Diyos para sa kanya. Siya ay ipinadala sa Kolkata, India kung saan laganap ang sakit at kagutuman sa mga tao noong panahong iyon. Upang higit na mapaglingkuran ang mga pinaka mahihirap, itinatag niya ang Missionaries of Charity. Sa kasalukuyan, sila ay mayroong mahigit 4,500 na mga madre mula sa 133 na bansa sa buong mundo. Kinilala si Mother ng maraming tao bilang isang buhay na santo dahil sa taglay nitong kabutihan. Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal at malasakit sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga taong nagugutom at pag-aalaga sa mga may malubhang karamdaman at malapit nang mamatay. Ginawaran sya ng iba't-ibang parangal gaya ng Nobel Peace Prize noong 1979 at Ramon Magsaysay Peace Prize noong 1962. Si Mother Teresa ay pumanaw sa edad na 87 sa taong 1997, ika-5 ng Setyembre.
Si Mother Teresa ay isang mabuting halimbawa ng pagsasabuhay ng pananampalataya. Minahal niya ang kanyang kapwa gaya ng kanyang pagmamahal kay Hesus. Ang buhay ni Mother Teresa ay isang inspirasyon sa atin at hinahamon tayo ng Simbahan na tularan siya. Ang "corporal works of mercy" ang ating maging gabay sa paggawa ng kabutihan - pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw, alagaan ang maysakit, dalawin ang mga nasa bilangguan, at iba pa. Gaya nga ng sinabi ni Mother Teresa: "Kung hindi mo kayang pakainin ang isangdaang katao, magpakain ka ng isa." Ibig sabihin, hindi natin kailangan gumawa ng malalaking bagay o tulungan ang napakaraming tao. Kahit isa lang ay sapat na at kalugod-lugod sa Diyos. Kapag minamahal natin ang ating kapwang nakikita ay naipapamalas ang ating pagmamahal sa Diyos na hindi natin nakikita.
Santa Teresa ng Kolkata, ipanalangin mo kami!