MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Nagpagaling si Hesus ng isang lalake na utal at bingi. Ang Kanyang winika ay “Mabuksan”. Kailangan din natin ang pagpapagaling ni Hesus sa panahon ngayon. Kahit na hindi man tayo utal o bingi sa literal na paraan, maraming beses na tayong mga tao ay nahihirapang makinig sa Diyos dahil sa tinatawag na espirituwal na pagkabingi. Sa pagiging likas nating mapagmataas, mas madali para sa ating sundin ang sariling kalooban kaysa sa plano ng Diyos na pinakamaganda sa atin, hindi man natin agad maunawaan ito.
Lahat tayo ay nangangailangan ng paghihilom mula sa Diyos dahil ang kasalanan ay nagdudulot ng sugat o sakit sa iba at sa ating sarili. Sa linggong ito, isipin at pagnilayan natin sa ating mga sarili: “Ano ang mga bagay na alam kong sinasabi sa akin ng Diyos na gawin ko, ngunit aking tinanggihan?” Mangyaring suriin ang mga tugon mo sa Diyos at kung saan ka nahihirapan o nagdududa. Ibigay mo itong lahat sa Kanya sa pananalangin. Ang Diyos ay may kakayanang buksan ang ating mga puso at isip upang tayo’y makatugon sa Kanyang inihahayag na katotohanan at plano sa ating buhay, kung ating gugustuhin. Amen. +