Mayo 31
Ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria o Feast of the Visitation of Mary ay unang itinatag ng Santo Papa na si Papa Urbano VI noong taong 1389. Ito ay sa kadahilanan na noong 1378, may isa pang tao ang nagpapakilala bilang Santo Papa at siya ay si Clemente VII. Dahil dito, nagkakaroon ng dibisyon sa Simbahang Katolika. Dahil ang ninanais lamang ni Papa Urbano VI ay ang kaayusan at kapayapaan sa Simbahan, itinatag niya ang kapistahan ng pagdalaw ni Maria. Ito ay paraan upang ipagdasal ng mga Katoliko na magkaroon ng tunay na pagkakaisa at kapayapaan sa tulong ng panalangin ng ating Inang si Maria.
Ang pagkakahati-hati ay hindi lamang makikita sa kasaysayan ng Simbahan kundi pati sa ating mga buhay. Marahil ay napapansin natin ito sa ating sariling pamilya at mga kaibigan kung saan sa iba’t ibang kadahilanan ay nagkakaroon ng pag-aaway at kaguluhan. Sa oras ng pagsubok, ano ba ang ginagawa natin? Isa sa naiisip ng iba ay hayaan na lamang ito sapagkat sa tingin nila ay wala na silang magagawa. Ngunit, bilang mga anak ng mapagmahal na Ina na si Maria, naniniwala tayo na makakatulong ang ating mga panalangin sa kanya. Tulad ng kung paanong ang debosyon ng mga tao ay instrumento para sa kaayusan ng Simbahan, tayo rin ay magiging instrumento ng Mahal na Birheng Maria upang maayos ang mga problemang ating kinakaharap. Higit natin itong mauunawaan sa pagninilay natin sa pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsan na si San Elisabet na ipinagdiriwang ng pistang ito.
Matapos magpakita si San Gabriel sa ating Ina ay nagmamadaling pumunta si Maria kay Elisabet na nabalitaan niya na nagbubuntis. Isa sa kadahilanan kung bakit agad-agad siyang pumunta sa kabila ng malayong distansya ay dahil sa alam ng Bahal na Birheng Maria na ito ang kalooban ng Diyos. Nais niyang dalhin ang Mabuting Balita kay Elisabet at nagawa niya ito sa pamamagitan din ng isang awit, ang "Magnificat" kung saan sinabi nasusulat,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!"
Matapos na marinig ni Santa Elisabet ang pagbati ni Maria ay gumalaw sa galak si San Juan Bautista habang siya naman ay napuspos ng Banal na Espiritu Santo. Tulad ni Santa Elisabet, tayo rin ay mabibiyayan ng kapayapaan at kaligayahan na nagmumula sa Diyos kung tatanggapin natin si Maria sa ating buhay. Ang Mahal na Birheng Maria ang magtuturo sa atin upang higit na makilala ang Diyos na nananahan sa ating puso. Kailangan lamang natin ituon ang ating atensyon sa Diyos at hindi sa mga makamundong bagay na hindi makakapagbigay ng tunay na kasiyahan.
Sa kapistahang ito, tandaan natin ang kahalagahan ng ating debosyon kay Maria. Ito ay upang mahalin natin ang Diyos na nagpupuno ng ating puso ng Kanyang pagmamahal. Hindi natin magagawa na magbago at mapalapit sa Panginoon kung aasa lamang tayo sa ating sariling kakayahan. Ngunit walang imposible kung tayo ay kakapit sa kamay ng ating Ina. Siya naman ang aakay sa atin tungo sa Diyos. Sa pamamagitan nito. tayo rin ay magiging instrumento ng Diyos para maraming tao ang magbalik-loob sa Kanya. Lahat ng problema at pagsubok ay makakayanan natin kung matututo tayo na tanggapin ang pagbisita ni Hesukristo at Maria sa ating buhay. Amen. +
Sanggunian:
Vatican News (2022) Feast of the Visitation of the Blessed Virgin Mary, Vatican News. Available at: https://www.vaticannews.va/.../feast-of-the-visitation-of... (Accessed: 29 May 2024).