Agosto 10
Maligayang kapistahan ni San Lorenzo, isang diakono at martir. Siya ay naging martir apat na araw matapos parusahan at patayin ang Santo Papa na si Sixtus II at apat nitong kasamahan. Hindi natakot si San Lorenzo sa parusa na nag-aabang sa kanya dahil sa kanyang pagiging Katoliko. Ito'y sa kadahilanan na mahal niya ang ating Panginoon at naniniwala siya sa buhay na walang hanggan para sa mga tao na sumusunod kay Kristo.
Nawa'y tularan natin ang mabuting ehemplo na ipinapakita sa atin ni San Lorenso. Bilang Katoliko, nakakaranas tayo ng iba't ibang pag-uusig dahil sa ating paniniwala na taliwas sa makamundong kultura. Sa kabila ng paghihirap na nararanasan natin, huwag natin kalimutan ang kahalagahan ng pagmamahal sa Diyos at ang buhay na walang hanggan na nag-aabang para sa atin. Higit sa lahat, hindi natin ito magagawa kung aasa tayo sa sarili nating lakas. Humingi tayo ng tulong sa ating Panginoong HesuKristo upang magawa nating buhatin ang ating mga krus na kasama Siya. Kung nais natin Siyang samahan sa ating paghihirap, sasamahan Niya rin tayo sa walang hanggang kaligayahan sa langit.
San Lorenzo, ipanalangin mo kami.