Mayo 26
MABUTING BALITA
Mateo 28, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, ang labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang doktrina ng Santisima Trinidad (sa wikang Espanyol) ay nagpapahayag na iisa ang ating Diyos, subalit may tatlong Persona. Ama, Anak at Espiritu Santo. Hindi ang Ama ang Anak. Subalit sila, kasama ng Espiritu Santo, ay iisa. Sa pagtatangkang maipaliwanag ang pinakadakila at pinakamahalagang misteryo na ito ng ating pananampalataya, napakarami nang analohiya ang mga nagamit subalit sa lahat ng iyan, nananatili pa rin itong mahirap maunawaan. Dahil dito, dalawang bagay lang mahalaga. Una, na matanggap natin na ito ay hindi lubusang maabot ng ating isipan. Ikalawa, dahil hindi ito lubusang mauunawan ng sinuman gaano man sila katalino, kailangan nito ng pananalig at iyon ang mas mahalaga, na tayo ay maniwala.
Ano nga ba ang mahalagang maunawaan sa napakagandang katotohanang ito? Sila ay isa ring komunidad na puno ng pagmamahal. Magkakaiba ngunit iisa. Ganoon din tayo kung tayo ay nagmamahalan. Nagiging isa ang mga nagkakasundo. Maari tayong maging salamin ng Banal na Santatlo. Gayundin ang bawat pamilya kaya hindi ito dapat sirain sa pamamagitan ng diborsiyo na gagawing “dissoluble” o madaling mawasak ang lahat ng kontrata ng lahat ng mag-asawa. Hindi na magiging pakikipagtipan ito o “covenant” ngunit isang ordinaryong kontratang maaring bawiin ng tao kailanman niya gustuhin. Isang bagay na taliwas sa disenyo at utos ng Diyos para protektahan ang mag-asawa na pundasyon ng bawat pamilya, kung saan ang bawat pamilya ay sumasalamin naman sa Santisima Trinidad.
Ang pag-ibig na namamayani sa ating iisang Diyos at Tatlong Persona ay iniaalay at binibigay sa atin ng walang kondisyon kahit pa tayo ay mga makasalanan. Sa gayunding paraan, maari rin tayong magmahal ng kapwa sa kabila ng kanilang kahinaan gaya ng ginagawa ng Santisima Trinidad sa atin. Ang Banal na Santatlo ay naroroon kung saan may pagkakaunawaan sa kabila ng kahinaan, pagpapatawad sa kabila ng sakitan at pagbibigay sa gitna ng kahirapan. Ang tunay na dapat nating maunawaan ay hindi kung paanong ang Diyos ay naging Diyos sapagkat hindi ito kayang unawain ng isipan ng tao. Sapat nang malaman natin kung paano Siya magmahal at gawin din ito upang tayo’y maging tulad Niya at ng Siya ay manahan sa atin, ang Ama, Anak at ng Espiritu Santo. Amen. +