Tinatawag tayong alalahanin ang mga banal na kaluluwa ngayong araw na ito. Ang ikalawa ng Nobyembre ay nakalaan para sa paggunita sa mga taong yumao na sa mundong ito. Bahagi ng paniniwala nating mga Katoliko na pag-alayan ng panalangin ang mga pumanaw na. Naniniwala rin tayo na nasa purgatoryo ang mga kaluluwang may kaunti pang bahid ng kasalanan sa kanilang sarili. Sa purgatoryo ay dumadaan ang mga kaluluwa sa proseso ng paglilinis upang maging karapat-dapat silang makaharap ang Diyos sa Langit. Ito rin ay upang mabitawan na ng mga yumao ang mga pagsisisi sa lupa, panghihinayang at kabiguan sa kanilang mga puso. Sa wakas nito ay wala na silang ibang magiging kagustuhan kundi ang makapiling ang ating mapagmahal na Diyos.
Marahil naitanong na natin sa ating sarili, kung paano nga ba tayo nagkaroon ng isang araw para alalahanin ang mga yumao? Sa Pransiya, halos isang libong taon na ang nakararaan, may isang manlalakbay na napahamak dahil sa bagyo at natagpuan ang kanyang sarili sa hindi kilalang isla. Natulog siya roon at bigla siyang nakaranas ng bangungot. Nanaginip siya ng lugar na nag-aapoy kung saan nakadarang ang mga kaluluwa ng mga yumao. Pagkatapos ng karanasan na ito ay sumangguni siya sa Punong Monghe na si San Odilo at tinanong kung mayroon bang araw na nakalaan ang Simbahan para sa mga namatay na. Dahil dito ay itinalaga ni San Odilo ang ikalawa ng Nobyembre bilang araw ng pag-alala, panalangin, pagbibigay limos at pagsasakripisyo para sa mga nangamatay na. Ito ang pinag-ugatan ng ating tradisyon na pag-alala sa mga kaluluwa.
Sa kasakuluyan, ang buwan ng Nobyembre ay itinalaga para sa pananalangin para sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Sa bawat simbahan ay mayroong mga sobre kung saan maari nating isulat ang pangalan ng mga yumaong gusto nating ipagdasal. Sila ay maisasama sa Banal na Misa sa buong buwan na ito.
Tandaan na lahat tayo ay tinatawag ng Diyos upang maitalagang mga banal sa Langit. Kalakip nito ang ating obligasyon na tulungan ang mga yumao sa purgatoryo na makaakyat sa Kaharian ng Diyos. Ang ating mga panalangin para sa mga kaluluwa ang magpapahupa sa sakit na dulot ng apoy na naglilinis sa kanila. Ang ating mga sakripisyo rin ang nagpapadali ng proseso ng paglilinis sa kanilang kaluluwa, sapagkat nakikiisa tayo sa paghihirap ng mga kaluluwa. Sa ganitong paraan, sa wakas sila'y makakapiling ng mga banal at ng Maykapal sa Langit. Ipagpatuloy natin ang paggunita para sa mga kaluluwa upang maipasa ang mahalagang tradisyon na ito sa susunod na henerasyon.
Tunay ngang walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Ang mga yumao man ay nangangailangan din. Ituring natin ang araw na ito bilang magandang pagkakataon upang iparanas sa kanila ang pagiging Kristiyano natin, lalong-lalo na sa mga kaluluwang walang nakakaalala.
Nawa'y manatili sa ating mga puso ang diwa ng pagtulong sa Nagdurusang Simbahan, ang mga kaluluwa sa purgatoryo. Lumipas man ang araw at buwan na ito, nawa'y maalala pa rin natin na ipagdasal at alalahanin ang mga yumaong pinananabikang makapiling ng Diyos. Makiisa tayo sa mga layunin ng Simbahan. Pumunta tayo sa mga sementeryo o Simbahan at ipanalangin ang mga kaluluwa nang taimtim sa buong buwan ng Nobyembre.
Sa Banal na Ngalan ng ating Panginoong HesuKristo. Amen. +