MABUTING BALITA
Marcos 9, 38-43. 45. 47-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.
“Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang-bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay. Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
May awa ang Diyos ngunit mayroon ding hustisiya. Hindi man ito nakikita nang ganap sa mundo ngayon dahil sa pakikibahagi ng tao, subalit darating ang panahon na mayroon tayong haharaping paghuhusga sa dulo ng ating buhay. Kaya naman, ano ang ating dapat gawin? Patuloy na gumawa ng mabuti nang hindi humihingi ng kapalit at ingatan ang sarili na huwag magkasala. Sikapin din nating hindi maging dahilan ng pagkakasala ng iba.
Tila marami na rin ang nakakalimot sa tinatawag nating “konsensiya”. Marahil nawawala na rin ang ating paningin o paghuhusga kung ang isang bagay ay kasalanan ba sa mata ng Diyos o hindi. Makapagsusuri tayo kung alam natin ang tamang gawin ayon sa Diyos. Ngayong Linggong ito, mainam na suriin ang sarili kung ang mga gawa at salita ba natin ay nakakatulong sa iba upang sila’y mapalapit sa Diyos.
Makatutulong kung madiskubre natin sa tulong ng Diyos ang ugaling hindi natin napapansin na nakasasama sa kanila. Halimbawa, kahit isang hindi magandang komento tungkol sa isang kasama ay makakaapekto pala sa pagtingin at relasyon ng kapwa sa kanya nang hindi natin namamalayan. O hindi kaya’y sa pananamit nang hindi angkop sa dignidad kay Kristo bilang bahagi ng katawan Niya, na nagiging dahilan upang magkaroon ng hindi magandang isip at pakiramdam ang iba tungong kasalanan, sa ngalan ng uso subalit hindi wasto. Hilingin natin sa Espiritu Santo na ihayag sa atin ang mga dapat baguhin at ang grasyang mabago natin ito sa pamamagitan na rin unang una ng sakramento ng kumpisal. Mahirap man ito sa umpisa, ito ang makabubuti sa atin at sa ating kaluluwa. Amen. +