Ang kapistahang ito ay magandang pagkakataon para ipahayag sa lahat ang ating pananampalataya sa Kanya. Sa pamamagitan ng prusisyon ng Banal na Sakramento, kinikilala natin si Hesus bilang Hari ng ating mga buhay.

Ngayong ika-26 ng Nobyembre, 2023 ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan. Ito ay mas kilala rin natin sa tawag na Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari. Ang kapistahang ito ay itinatag ni Papa Pio XI noong 1925 bilang tugon sa lumalaking bilang ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos at upang labanan ang sekularismo. Layunin ng pagdiriwang na ipaalala sa lahat na ang makamundong kaharian ay lumilipas at ang tanging nananatili ay ang paghahari ni Kristo sa sanlibutan.
Sa ating parokya, ipinagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari sa pamamagitan ng Banal na Misa kaninang umaga sa Kapilya ng San Roque. Pagkatapos ay sinundan ito ng pagtatanod mula umaga hanggang hapon at prusisyon ng Banal na Sakramento pabalik sa parokya. Ang nagtanod ay ang iba’t ibang organisasyon sa ating parokya ngunit ito naman ay bukas para sa lahat. Ang debosyong ito ay paalaalang si Kristo ay Hari subalit dahil sa Kanyang kababaang loob ay ginusto Niyang manahan kasama nating mga makasalanan sa mundo. Siya ay buhay na buhay. Narito Siya, katawan at dugo, kasama natin ngayon.
Ang kapistahang ito ay magandang pagkakataon para ipahayag sa lahat ang ating pananampalataya sa Kanya. Sa pamamagitan ng prusisyon ng Banal na Sakramento, kinikilala natin si Hesus bilang Hari ng ating mga buhay. Maituturing din na totoong Hari Siya ng ating buhay kung Siya at ang Kanyang Salita ang ating sinusunod. Hindi lamang tayo makikinig kundi, gagawin natin ang nasasaad sa Bibliya at mga turo ng Simbahan.
Samakatuwid, iniimbitahan tayo ni Kristong Hari na maglingkod sa mga nangangailangan. Kung si Kristo na ating Hari ay naparito para maglingkod at hindi para paglingkuran, tayo rin, bilang mga tagasunod Niya, ay dapat maglingkod sa iba. Ito ang pinapaalala sa atin ng ebanghelyo sa araw na ito. Sinabi ni Hesus na kung paglingkuran natin ang ating kapwa, Siya mismo ang ating pinaglilingkuran. "Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa." (Mateo 25:40)
Kaya naman, sa pagdiriwang natin ng dakilang kapistahang ito, nawa'y makita sa ating mga kilos at gawa na si Kristo ang naghahari sa ating mga puso, pamilya, at pamayanan. Ang tanda ng Kanyang paghahari ay ang kabutihan sa mga kapos-palad at kapayapaan sa ating puso anuman ang pagdaanan. Ang kapayapaang ito’y galing kay Kristong Hari para sa mga taong sumusunod sa Kanya at hindi ito naibibigay ng kahit alinman sa mundo.
Christus vincit! Christus regnat! Christus imperat!