Paano ba tayo makakapaghanda? Paano ba tayo makakapasok sa Kaharian ng Diyos sa Langit?
MABUTING BALITA
Mateo 25, 31-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama!
Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’
Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’
“At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’
At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ganito nga ang mangyayari sa paghuhusga ng Diyos sa atin. Hindi na magsasama pa ang mabubuti at masasama. Hindi tulad ngayon sa ating mundo kung saan iba’t iba ang mga tao. Isang dapat nating tandaan ngayong Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo o “Solemnity of Christ the King” ay mayroon tayong dalawang paghuhusgang kakaharapin. Ang isa ay sa wakas ng ating buhay. Ang isa naman ay sa pagtatapos ng mundo. Ang buhay natin dito sa lupa ay isang paghahanda lamang para sa susunod.
Paano ba tayo makakapaghanda? Paano ba tayo makakapasok sa Kaharian ng Diyos sa Langit? Marahil alam na natin na kailangan nating maging mabuti. Ngunit paano nga ba maging mabuti sa mata ng Diyos? Sapat na ba ang pamantayan ng mundo kung saan kapag wala kang nasasaktang tao ay mabuti ka na? Ang basehan ng pagkamakabuti ayon sa Diyos ay ang mga gawaing sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon.
Magpakain tayo ng taong nagugutom. Hindi naman sinabing isang daang tao ang pakainin. Kahit isa lang ay sapat na kung ito’y gagawin nang may pagmamahal. Magpainom tayo ng nauuhaw. Magbigay tayo ng masusuot sa mga walang damit. Dumalaw tayo sa mga may sakit. Maraming “ministries” sa Simbahan na para sa may sakit.
Kung gusto nating gawin, magagawa natin alinman sa mga ito. Dapat muna nating maintindihan at paniwalaang ang mga gawaing ito ang tulay natin patungo sa Langit. Wala nang ibang pamantayan. Kung hindi natin ito ginagawa at tila manhid tayo sa pagdurusa ng iba, paano tayo makakapasok sa Langit? Malinaw na malinaw naman na sinabi ni Hesus na Siya ay nasa mga mahihirap at nagdurusa.
Patunayan nating mahal natin ang Diyos at Hari natin Siya sa pamamagitan ng kawanggawa, at pagsasawalang bahala sa kung ano ang mawawalang materyal na bagay o oras para sa sarili. Ito’y lalo na kung igugugol natin ang lakas at panahon sa pagtulong sa kapwa kung saan nananahan ang Diyos. Amen.
Marga de Jesus | OLA Social Communications
Maari pong mabasa ang buong ebanghelyo sa Awit at Papuri Communications official website.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon.
Magkakaroon din po ng adorasyon sa Banal na Santisimo Sakramento sa San Roque Chapel mula 8:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. Susundan po ito ng prusisyon. Ang lahat po ay inaanyayahang makiisa at manalangin. Maraming salamat po.
Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.