Ang buong buwan ng Nobyembre, lalo na ang ika-2 ng Nobyembre, ay itinalaga ng Simbahan bilang paggunita at pananalangin para sa lahat ng yumaong Kristiyano.
Itinuturo ng ating pananampalataya na ang makakapasok lamang sa langit ay ang mga taong lubos na malinis mula sa anumang bahid ng kasalanan. Kaya ang kaluluwa ng mga taong namatay na mayroon pang dapat pagbayarang epekto ng kasalanan ay kailangan maglinis muna sa purgatoryo. Ngunit ang mga kaluluwang ito ay hindi makapagdarasal para sa kanilang sarili at hindi makagagawa ng kabutihan bilang kabayaran. Kaya tungkulin ng bawat Kristiyanong nabubuhay na ipagdasal sila at mag-alay ng misa para sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Ito ang makatutulong sa kanila upang marating ang kaluwalhatian at buhay na walang hanggan sa langit.
Ang kamatayan ay isang bagay sa buhay ng bawat tao na hindi matatakasan. Darating ang araw ng paglisan, mayaman man o mahirap, sa araw at sa oras na hindi natin alam. Kaya nga dapat itong paghandaan. Ngunit paano natin ito paghahandaan? Sa wakas ng ating buhay, hindi tatanungin ng Diyos kung magkano ang naipon nating pera o ari-arian. Hindi rin Niya tatanungin kung ano ang ating natapos o naging trabaho. Ang tatanungin ng Diyos sa atin sa paghuhukom ay kung nagmahal at tumulong tayo sa ating kapwa. Kung nais nating mapunta sa langit balang araw, simulan na nating mag-ipon ng kabutihan. Maging mapagmahal at mapang-unawa tayo sa ating pamilya at kaibigan. Matuto tayong magpakumbaba at magpatawad sa mga kagalit natin. Hangarin natin lagi ang kabutihan ng ating kapwa. At higit sa lahat, isama rin natin ang pagdarasal para sa mga yumao sapagkat ito ay isang napakabuting gawain.
"Kapayapaan kailanman ang igawad ng Maykapal sa yumaong ating mahal. Sila nawa ay silayan ng ilaw na walang hanggan. Mapanatag nawa sila sa kapayapaan. Amen."
Nawa'y magkita-kita tayong lahat sa langit balang araw.