Ngayong araw ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang Paggunita kay San Ambrosio, obispo at pantas ng Simbahan.
Si San Ambrosio ay ipinanganak noong taong 340 mula sa isang Kristiyanong pamilya. Nag-aral siya ng abugasiya sa Roma. Bumalik siya sa kanyang bayan upang naglingkod matapos mamatay ang kanyang ama, at kalaunan ay naging Gobernador siya ng bayang iyon.
Naging obispo siya ng Milano noong taong 374. Bilang obispo, kapakanan lagi ng Simbahan ang isinasaalang alang ni San Ambrosio. Ipinagbili niya ang halos lahat ng kanyang lupain at ari-arian, at ang kinita ay ipinamamahagi niya sa mga mahihirap. Naging tanyag din siya dahil sa husay niya sa pangangaral. At dahil dito, si San Agustin ay nagbago nang minsang nakapakinig ng sermon ni San Ambrosio.
Magandang pagnilayan ang buhay ni San Ambrosio ngayong kanyang kapistahan. Tulad niya, tayo rin ay may tungkulin na mangaral, hindi lang sa pamamagitan ng salita, kundi lalo't higit sa ating mga gawa. Kalingain din natin ang mahihirap, may sakit, mga inabandona, at lahat ng maliliit at napababayaan sa lipunan. Matuto tayong tumulong at magmalasakit sa kanila. Sa pamamagitan nito, mararamdaman nilang si Kristo ay tunay na kapiling natin sa mundo. Aralin din natin ang ating pananampalataya upang maibahagi natin ito sa iba gaya ng ginawa ni San Ambrosio. Malay natin, may isang "Agustin" na magbabagong buhay dahil sa ating pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos.
San Ambrosio, ipanalangin mo kami!