Si Santa Cecilia ay isang bantog na martir at patron ng mga musikero sa Simbahang Katoliko. Ipinanganak siya sa isang mayamang pamilyang Romano noong ikalawang siglo. Inialay ni Santa Cecilia ang kanyang buhay sa Diyos at nanumpang maging dalisay kahit na siya’y ipinakasal kay Valerio. Inihayag niya kay Valerio ang kanyang panata kay Kristo at sa anghel na nagbabantay sa kanya. Si Valerio ay naging isang Kristiyano matapos makita ang anghel. Magkatuwang silang naglingkod sa mga mahihirap at naglibing sa mga Kristiyanong martir. Ito ang mga bagay na ipinagbabawal noong panahon na iyon.
Dinakip si Santa Cecilia at hinatulang makulong sa mainit na silid. Nang makita na walang nangyari sa kanya, siya’y pinugutan ng ulo. Siya ay umawit ng awitin na para sa Diyos habang siya ay pinahihirapan hanggang mamatay. Siya ay namatay nang may galak at umaawit ng papuri sa Diyos. Sa pagninilay sa buhay ni Santa Cecilia, tinuturuan tayo na magalak din sa ating mga sakripisyo at pangako para sa Diyos. Tanggapin natin ang lahat ng mga pagdurusa kahit na ang kamatayan alang-alang kay Kristo. Ito ang mga bagay na totoong makapaglalapit sa atin sa Diyos na makapiling Siya sa Kanyang kaharian.
Santa Cecilia, ipanalangin mo kami!