Mayo 14, 2024
Si San Matias ay isang malapit na alagad ni Hesus. Siya’y naroon mula sa panahon ng pagbibinyag at Pag-akyat sa Langit ni Hesus. Siya ang disipulong pinili upang palitan si Hudas Iscariote bilang ikalabindalawang apostol. Ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan tuwing ika-14 ng Mayo.
Dahil sa pagkitil ni Hudas ng kanyang sariling buhay, nakita ng mga Apostol na kulang sila ng ikalabindalawang miyembro. Ang bilang na labindalawa ay mahalaga sa aklat ng mga Hebreo at sa mga kasulatan. Tinawag ni Hesus ang labindalawang Apostol dahil sa mga hudyo, labindalawa ang bilang ng pagiging buo. Kinakatawan ng labindalawa ang mga tribo sa Israel.
Mahalaga para sa mga alagad na makahanap sila ng isang papalit kay Hudas. Inihayag sa mga Gawa ng mga Apostol na sinamahan ni Matias si Hesus sa pagbibinyag sa Kanya hanggang sa Pag-akyat sa Langit. Nang panahon na upang palitan si Hudas, ang mga apostol ay nagpalabunutan kung sinong alagad ang papalit sa kanya. Si Matias ba o si San Jose na tinatawag ding Barsabas? Si San Geronimo at ang mga sinaunang Kristiyanong manunulat na sina San Clemente at San Eusebio ay nagpatunay na si Matias ay kabilang sa 72 disipulong ipinares at ipinadala ni Hesus. Nanalangin ang mga alagad at ang napili nila ay si Matias. Hindi nagtagal pagkatapos ng kanyang pagkahirang, natanggap ni Matias ang Banal na Espiritu. Naroroon din siya nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga alagad nang panahon ng Pentek
ostes (Mga Gawa 2:1-4). Hindi na siya muling binanggit sa Bagong Tipan.
Kakaunti lamang ang ating nalalaman patungkol sa buhay ni San Matias. Ayon sa tradisyon, nangaral siya sa Jerusalem. Kinalaunan siya ay pinagbabato at pinugutan ng ulo. Madalas siyang ilarawan na may hawak na palakol, ang instrumento ng kanyang kamatayan. Sinasabi rin na sa pangangaral niya ng Ebanghelyo sa mga barbaro at kanibal sa Ethiopia, ipinako siya roon sa Krus.
Anuman ang detalye ng kanyang pagkamartir, nakatitiyak tayong si San Matias ay isang tapat na lingkod ng Diyos at ng Simbahan. Isang dakilang Apostol na nagbigay ng matatag na pundasyon para sa pananampalatayang Kristiyano. Si San Matias ang patron ng mga karpintero, sastre, mga may bulutong, at para sa mga nananalangin nang may tiyaga at pag-asa.
Kaya't maging inspirasyon tayong lahat sa pananampalataya tulad ng naging halimbawa ng Banal na Apostol, si San Matias. Tularan natin siya sa pagtitiwala Diyos. Tularan natin siya sa pagsunod sa mga utos. Tularan natin siya sa buong pusong pag-aalay ng kanyang buhay sa Diyos. Tularan natin siya at ang lahat ng mga banal sa bawat sandali ng ating buhay.