Mayo 1,9, 2024.
MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon.
Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayong Linggo ng Pentekostes, ipinagdiriwang natin ang pagbaba ng Espiritu Santo at ang kaarawan ng Simbahang Katolika. Natupad na ang pangako ni Hesus na ipadadala Niya ang Patnubay siyam na araw matapos Niyang umakyat sa Langit. Ito naman ay 50 araw matapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay, kaya ito tinawag na “Pentekostes”. Mula ito sa salitang Griyego na ang ang ibig sabihin ay “ikalimampu”. Nawa’y maalala natin ngayong araw na ito na ang bawat Kristiyano ay templo ng Espiritu Santo. Siya ay nanahanan sa atin kaya ang katawan natin ay sagrado. Tayo rin ang Simbahan habang ang “simbahan” naman na may maliit na “s” sa umpisa ng salita ay tumutukoy sa gusali.
Nagtagumpay na si Hesus sa Kanyang planong pagliligtas sa atin. Siya’y nagpakasakit, namatay, muling nabuhay at matapos ay umakyat sa Langit. Doon Siya’y naluluklok sa kanan ng Ama. Ito ang nasasaad sa “Apostle’s Creed” na ating dinarasal tuwing pagkatapos ng homiliya ng pari tuwing Linggo at kapag may dakilang kapistahan. Sa wakas ng panahon, babalik ang Panginoon upang maghusga. Ito ang pangalawang paghuhusga na ating mararanasan dahil ang isa ay sa pagkamatay. Kaya naman, sa panahong ito ng Espiritu Santo kung saan, kasakasama pa rin natin ang Diyos dahil nasa atin ang Kanyang Espiritu, paano ba dapat tayo mamuhay? Sa pamamagitan ng Espiritu, nagiging kaisa tayo ng Diyos. Ang Espiritu rin na ito ang bumaba sa Banal na Misa upang gawing tunay na Katawan at Dugo ni Hesus ang mga alay, at ito ang ating kinakain upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Tandaan natin ang ating natatanging misyon mula kay Hesus na bilin Niya bago Siya umakyat. Kailangan nating magpahayag ng Mabuting Balita. Para iyon sa lahat ng mga binyagan hindi lamang sa iilan. Ang pagpapahayag na ito ay sa pangunguna ng Espiritu Santo. Siya ang magtuturo sa atin paano mamuhay ayon sa Kanyang Salita at sa mga utos Niya sa pamamagitan ng Simbahan. Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin mula sa isip, salita at gawa. Hindi natin ito makakaya mag-isa kaya mula ngayon ay magdebosyon tayo sa Espiritu Santo. Ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos ay makikita sa pakikitungo natin sa iba at sa pagbibigay lalo sa mga kapus-palad nang walang kapalit. Hindi natin kailangang maging magaling sa pagsasalita o sa pagsusulat, kailangan lamang natin maging mabuti sa lahat ng tao. Kahit pa mayroon tayong nasa sa pagkakasala, at ang Espiritu ng Diyos ang tutulong at magtuturo sa atin. Amen. +