Disyembre 26, 2023.
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ni San Esteban, ang unang Kristyanong martir. Siya ay isa sa pitong tao na puspos ng Banal na Espiritu Santo at may karunungan. Siya ay binigyan ng tungkuling mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay ng mga Kristiyano. Samakatwid, siya ay isang diyakono.
Si San Esteban ay nagpahayag din ng Mabuting Balita at siya ay naging instrumento ng mga himala mula sa Diyos. Sa kadahilanang ito, maraming mga Hudyo ang nakipagdebate sa kanya. Gayunpaman, hindi sila naging matagumpay.
Mga Gawa 6:10
Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu.
Hindi umasa si San Esteban sa kanyang sariling karunungan. Siya ay sa Diyos, patunay ng kanyang matibay na pananampalataya sa Kanya. Si San Esteban rin ay tapat sa Mabuting Balita na ipinapalaganap ng mga apostol. Gayundin naman, napakahalaga sa atin ang sumunod sa katuruan ng ating Simbahan. Dapat din ay matibay ang ating espirituwal na pamumuhay at debosyon. Ito ang magbibigay proteksyon sa kabila ng maling ideolohiya na maari nating malaman.
Nagalit ang mga Hudyo kay San Esteban at dinala siya sa Sanhedrin. Maraming kasinungalingan ang binato sa kanya upang siya ay mabigyan ng parusang kamatayan. Mahirap ang mailagay sa ganitong sitwasyon. Kung ang isang Kristiyano ay nagdurusa sa kamay ng kanyang kaaway, maaari siyang matukso na bitawan ang kanyang pananampalataya. Ngunit, nanatiling matibay ang kanyang pananalig kay Hesus.
Mga Gawa 6:56
“Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.”
Nakita ni San Esteban ang kalangitan na nagbigay ng pag-asa sa kanya sa kabila ng kanyang pagdurusa. Ang buhay ay hindi natatapos sa kamatayan. Totoo na mahirap ang ating pinagdaraanang problema. Huwag tayong sumuko sa kabila nito. Dahil sa pagmamahal ng Diyos, binuksan Niya ang langit para sa mga taong nagsisilbi sa Kanya hanggang huli. Doon ay wala ng pagdurusa. Ang mayroon lamang ay walang hanggang kasiyahan habang kapiling natin ang Panginoong Diyos. Makikita rin natin ang kahalagahan ng dasal para kay San Esteban.
Mga Gawa 7:59
At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin Mo ang aking espiritu.”
Nawa'y pagnilyan natin ngayon na makakaya natin ang lahat ng pagsubok at pagdurusa kung tayo ay nagdarasal. Humingi tayo ng lakas sa Diyos upang magawa natin ang Kanyang kalooban. Kung may mga taong nananakit sa atin, patawarin natin sila at ipagdasal ang kanilang pagbabago. Sa tulong ng panalangin ni San Esteban, magagawa nating buhatin ang ating mga krus sapagkat alam natin na hindi tayo pinapabayaan ni Hesus. Amen. +
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina