Si Apostol San Juan na Manunulat ng Mabuting Balita (hindi si San Juan Bautista na pinsan ng Panginoon), ang itinuturing na matalik na kaibigan o “best friend” ni Hesus. Bakit siya? Ibig bang sabihin nito ay may itinatangi ang Panginoon? Hindi po. Totoong pantay-pantay ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Saan nagkakaiba? Sa pagtanggap ng tao. Tinanggap at pinahalagahan ni San Juan ang pagkakaibigan nila ni Hesus kaya ito lumalim. Kung ganito rin tayo sa Diyos, tiyak mapupuno ang ating puso ng Kanyang pag-ibig dahil mas lalalim ang ating samahan at pagkilala sa Kanya. Ang matibay na pag-ibig na ito naman ang magiging baon natin habang may hinaharap na suliranin. Bago mangyari ito, kailangan muna tayong matuto na ilagay ang Diyos unang una sa lahat sa ating buhay sa tuwa man o sa dusa. Hindi natin Siya dapat ipagpalit kahit kanino o kahit saan man halimbawa na lang sa simpleng pagtupad ng ating obligasyong dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo.
Si San Juan ang nag-iisang apostol na nanatili sa Krus kasama ni Maria na ina ni Hesus. Isa itong tanda na para sa kanya, ang kanyang pakikipagkaibigan at pananalig sa Diyos ay karapatdapat panindigan hanggang kamatayan. Sa kanyang pananatili roon ay binuwis niya ang kanyang buhay dahil doon din ay maari na siyang dakpin at ipapatay kung gugustuhin ng mga kaaway ng Panginoon. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit sa lahat ng mga apostol, siya ang nag-iisang hindi namatay bilang isang martir. Siya ay nauna nang naging espirituwal na martir gaya ni Maria. Bagamat hindi napako ang kanilang pisikal na katawan sa Krus, napako naman ang puso, isip at kaluluwa roon kaisa ng paghihirap ni Hesus.
Bilang patron ng pagkakaibigan, marami tayong matututuhan sa kanya. Una, ang pagiging isang kaibigan ay nakasentro dapat kay Hesus. Mula sa Kanya, magkakaroon ng tunay na kapayapaan, pagbibigayan at pagpapatawad na kinakailangan ng anumang ugnayan sa pagkakaibigan man, pamilya, sa iba’t ibang grupo at marami pang iba. Hindi dapat tsismis o pagkamakasarili ang namamayani sa mga komunidad na ito kundi ang Mabuting Balita at pagsunod doon.
Ikalawa, ang tunay na pagkakaibigan ay bunga ng sakripisyo para sa isa’t isa. Kailangang magdamayan kapag ang isa ay nasa karanasan ng Krus. Ang tanda ng pag-ibig ay sakripisyo para sa minamahal na kapag naghihirap ang isa, dadamayan siya at makikiisa sa paghihirap na iyon gaya ng ginawa ni San Juan kay Hesus. Panghuli, kailangan din ng tiwala. “Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, ‘Ginang, narito ang iyong anak!’ At sinabi niya sa alagad, ‘Narito ang iyong ina!’ Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus” (Juan 19:26-27).
Ipinagkatiwala ni Hesus ang kanyang ina kay San Juan doon din sa Krus. Tanda ito ng paghahabilin ni Hesus sa Simbahan at sa lahat ng Kristiyanong simbolo ni San Juan na si Maria ay atin ding ina, hindi na lang ina ni Hesus.
Nagtiwala si Hesus at nagtitiwala rin si San Juan sa kanya. Kung tayo’y tunay na nagdarasal at nananalig, ipagkakatiwala rin natin ang buong buhay natin sa Diyos at susunod sa Kanyang mga utos at katuruan kahit pa ang maging epekto ay pangungutya ng iba o kamatayan ng sariling hangarin. Ang gantimpala nama’y walang hanggang pakikipagkaibigan sa Diyos hanggang sa Langit. Amen.
#OLAmarikina #BirhenNgMarikina