Nagniningning ang buong siyudad ngayong Kuwaresma matapos ang tatlong taong pagkahinto mula nang magpandemya. Tinikom ng mapaminsalang sakit ang prusisyon sa mga lansangan ng lungsod. Nagagayak ang pagdiriwang ng pagkamatay ng Tagapagligtas dahil alam natin na tayo ay babalikan.
Sa panahong ito, inihahatid natin sa huling hantungan ang patay na Kristo at atin namang hinihitay ang pagbabalik Niya matapos ang tatlong araw. Ang paghahari ng takot dahil sa pagbabalintuna ay mapapalitan ng kagalakan sa muling pagkabuhay. Tila ito ay sumasalamin sa paghahari ng takot noong nagahum tayo sa ating mga tahanan noong kasagsagan ng pandemya.
Maraming nagbago mula noong magpandemya gaya ng pagiging mas maingat sa ating mga katawan. Sa panahon namang ng Mahal na Araw, inaasahan rin ng pagbabago upang mas maging mabuting Kristiyano.
Ito ang “banyuhay” ng bawat Katoliko. Ngunit nangangailangang magtika ang bawat namamanata upang mas maging mas mabuting Kristiyano sa Araw ng Pagkabuhay.
Hindi maisasabuhay ang mga nakasulat sa mga dasalan kung hindi natin ginagamit ng Praxis o teorya at praktika para sa pagbabagong dapat nating matamo para sa kapakanan ng lahat.
Ang pagninilay-nilay sa salita ng Diyos ang magsisilbing teorya dahil dito tayo huhugot ng ideya kung paano maging mas mabuting tao. Samantala, ang praktika ay ang aplikasyon ng mga aral ng Diyos. Simpleng halimbawa nito ay ang pagtulong sa nangangailangan kahit tapos na ang Mahal na Araw.
Hindi nakukuha ang pagbabagong-buhay sa simpleng pagkumpisal, Pagbisita, Iglesia, o pagsama sa prusisyon ang pagbabago hangga’t hindi natin pagnilayan ang mga nagawa nating tama at mali.
Nangangailangan ng pangangaluwa sa pamamagitan ng paggawa ng tulay sa buhay ni Jesus tungo sa ating kaisipan upang maisagawa ang pagbabagong buhay. Nagagawa ang pangangaluwa kung may pagkakaisa ang ating espiritu at kaisipan upang ihanda ang ating sarili sa muling pagkabuhay ng Diyos.
Ang pagbabago ay hindi lang sa dila
Kung hindi ay nakukuha sa gawa
Gaya ng minatamis na pagwika
Kipkip ang inuuod na pagnasa.
Ngunit sa halumigmig ng ating mga salitang namumutawi ng pagbabago, nakakalimutan natin ang aplikasyon sa ating buhay. Nagagahum tayo sa realidad ng kaisipang “para sa akin” at hindi “para sa lahat.” Ang pagkamatay ni Kristo ay hindi para sa kanyang sarili kapakanan, ngunit para sa kaligtasan ng lahat.
Sa Linggo ng Muling Pagkabuhay, ating pagnilayan ang ating mga nagawang pagkakamali upang mas maging mabuting Kristiyano para sa lahat at hindi sa iilan.
Ang pagbabago ay ‘di maikakahon
Sa simpleng pagtitika at pagwiwika
Wala ito sa oras o sa t’yak na panahon
Sapagkat ito ay ginagawa
Sa panahon ng kabalintunaan
Para sa kabutihan ng Sangkatauhan
Paulo Alloysius Fontanilla I OLA Social Communications