Si Kristo ay muling nabuhay, pagsasakatuparan sa Kanyang ipinangako. Pangako para sa mga taong nag papako, pangako para sa mga taong nangdustay at namuhi sa Kanya. Karimarimarim man ang Kanyang sinapit, kahit nakapinid sa krus, nangibabaw pa rin ang pagmamahal sa atin- pagmamahal na nanunuot sa mga kamay at paang nakapako sa krus- tagos, umaagos.
Sino ang magnanais magsalba sa taong nanakit sa iyo? Handa ka bang mag-alay ng iyong buhay sa taong hindi ka man lang minahal at ipinaglaban? Ibahin natin si Hesus, ibahin natin ang Diyos. Si Hesus ay mapagmahal at mapagpatawad, na sa kabila ng ating kabalintunaan, pinipili pa rin Niya tayong mahalin, gaano man kalalim ang pagsusugat natin sa Kanya.
“Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, ibinigay Niya ang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, bagkus ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16)
Ang pag-ibig ng Diyos ay isang biyayang walang pinipili. Biyayang kapaki-pakinabang hindi para sa iilan, kung hindi, para sa lahat. Isang biyayang nararapat parangalan ‘pagkat masalimuot ang naging kapalit makamtan lang natin ang anumang tinatamasa.
Nasaktan man nang sukdulan, tinuligsa at kinutya-kutya, pero si Hesukristo, mas pinili niya itong sukilan ng biyaya. Ganoon na lang ang pag-ibig Niya sa atin, sukdulan, nanunuot, at hindi kailanman nagmamaliw.
Taun- taon, sa ating pag sariwa sa pagpapakasakit, paglilibing at muling pagkabuhay ni Hesukristo, ipinapaalala sa atin ang kahalagahan ng pagpapanibago, pagkakataong makapag simula muli. Sa Pagkabuhay, tayo ay patuloy na hinahamon na patayin ang mga kabalintunaang gawain. Sapagkat sa pagtalikod natin sa mga maling nakagisnang gawain, ibinabalik natin ang sarili sa Diyos.
Si Hesus ay Biyaya sa sanlibutan. Biyayang liwanag na tumatanglaw sa madidilim na yugto ng ating buhay. Biyayang puspos ng pag-asa, nagbibigay ng pagkakataong magpanibago. Siya, ang biyaya ng mapanibagong pagkabuhay.
Amen.
Arvin Valencia |
OLA Social Communications