Mga Gawain Para sa Kuwaresma | Ang Kuwaresma ay panahon sa Simbahan kung saan hinahanda natin ang ating puso at kaluluwa sa paggunita sa pagdurusa at kamatayan patungo sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
Pebrero 15, 2024.
Matapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon, tila hindi na natin namamalayan ang pagdaan ng mga araw at ngayon ay Miyerkules ng Abo na, ang simula ng Kuwaresma. Nakapaghanda na ba tayo para sa bagong panahon na ito? Alam na ba natin ang ating gagawin? Ang Kuwaresma ay panahon sa Simbahan kung saan hinahanda natin ang ating puso at kaluluwa sa paggunita sa pagdurusa at kamatayan patungo sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo.
Pinili ng ating Panginoong Hesus na tanggapin ang Krus dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo, natanggap natin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at nagkaroon tayo ng pag-asa para makamit ang buhay na walang hanggan. Ito ang layunin ng Kuwaresma: ang magsisi tayo sa ating mga kasalanan, lumago sa ating pananampalataya at lalong mapalapit sa ating Diyos. Dahil dito, mahalaga na pagnilayan natin kung paano tayo makapaghanda sa tatlong aspeto na ating ilalahad sa artikulong ito.
1. Panalangin
Upang maihanda natin ang ating puso para sa Kuwaresma, napakahalaga na mayroon tayong oras na binibigay sa Diyos upang magdasal. Noong si Kristo ay nasa Getsemani, hinanda Niya ang Kanyang Sarili sa mararanasan Niyang pagdurusa sa pamamagitan ng panalangin. Napakahalaga para sa ating mga Katoliko ang magdasal araw-araw sapagkat ito ay ang oras kung kailan nakikipag-usap tayo sa Diyos.
Para sa Kuwaresma, makakatulong ang "Daan ng Krus." Sa debosyon na ito, tayo ay nagdarasal at nagninilay sa labing-apat (14) na istasyon at nakikibahahagi tayo sa sa pagdurusa at kamatayan ni Hesus. Makakatulong din kung tayo ay magdadasal ng rosaryo araw-araw, lalo na ang mga “Misteryo ng Hapis.” Bukod pa rito, makakatulong ang pagninilay sa ating mga nagawang kasalanan bilang paghahanda para sa sakramento ng kumpisal. Dito ay maipapakita natin ang pagsisisi at pagtalikod sa ating mga pagkakasala at pagkukulang sa Panginoon.
2. Pag-aayuno
Makikiisa tayo sa sakripisyo ni Hesus kung tayo mismo ay handang magsakripisyo, lalo na sa pamamagitan ng pag-aayuno. Ang mga Katoliko na walang malubhang sakit na makakabalakid mula sa edad na 18 hanggang 59 ay obligado mag-ayuno sa Miyerkules ng Abo at Biyernes Santo. Isang buong pagkain (one full meal) lamang at dalawa pang maliit na pagkain (two smaller meals) na hindi tutumbas sa isang pagkain ang dapat nating gawin. Ang mga Katoliko na may edad 14 pataas, tayong lahat ay obligado na umiwas sa pagkain ng karne tulad ng baboy, manok at iba pang tulad nito habang maaari tayong kumain ng isda at mga lamang dagat. Maisasagawa natin ito sa ganitong araw at lahat ng Biyernes ng Kuwaresma
Maaari rin tayong mag-alay sa Diyos ng iba’t iba pang mga sakripisyo. Halimbawa, kung may isang tao na gumagamit ng kanyang cellphone at social media sa loob ng maraming oras, maaari niya itong bawasan sa panahon ng Kuwaresma. Maaari ring iwasan ang pagkain ng ilang pagkaing matatamis. Ang kahalagahan ng pag-aayuno at mga sakripisyo ay upang higit mapalapit tayo sa ating Panginoon at magkaroon ng lakas na harapin ang iba’t ibang tukso, bukod pa sa maiaalay natin ang mga ito para sa kaligtasan ng mga tao.
3. Pagbibigay ng Limos o Tulong
Ngayong Kuwaresma, inaasahan din sa atin ang makatulong sa mga nangangailangan. Tayo ay makakapagbahagi ng pera, pagkain at kagamitan sa mga nakikita natin na mahirap. Isa rin sa maaari nating gawin ay makiisa sa mga grupo sa Simbahan sa pamamagitan ng donasyon at pagboboluntaryo upang mapalaganap natin ang pag-ibig ng Diyos sa kanila. Ang pagbibigay natin sa ating kapwa ay hindi lamang limitado sa ating pera, pagkain at gamit. Maipapakita rin natin ito sa pagbabahagi ng ating talento, oras at serbisyo.
Konektado rin ang mga sakripisyo na ginagawa natin sa ating pagbibigay sa kapwa. Ang mga pera na hindi natin ginastos ay maibibigay natin sa iba. Ang mga pagkaing hindi natin kinain o binili ay maaari nating ibahagi sa mga nagugutom. Ang sakripisyo para bawasan ang oras na gumala para sa pansarili ay magagamit para ibigay ang oras sa pagsali sa iba’t ibang aktibidad sa Simbahan. Ang ating pananampalataya ay dapat may kaakibat na gawa.
Ang matagumpay na Kuwaresma ay hindi nasusukat sa mga gawa lamang kundi kung paano tayo lumalago sa ating pagmamahal sa Diyos. Hindi madali ang mga sakripisyo na ating gagawin sa panahong ito, ngunit kung tayo ay nagtitiwala kay Hesus, matatanggap natin ang lakas na nagmumula sa Kanya. Magagawa nating harapin lahat ng pagsubok at problema sapagkat kasama natin ang Panginoon na inalay ang Kanyang buhay sa Krus dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig. Sa pamamagitan nito, tayo ay makakaranas ng pagbabago sa ating buhay dahil kasama natin si Hesukristo, hindi lamang sa Kanyang kamatayan kundi pati na rin sa Kanyang muling pagkabuhay.