MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon na ang simula ng Kuwaresma o “Lenten Season”. 40 araw (hindi kasama ang araw ng Linggo sa bilang) para sa pananalangin, pag-aayuno at pagbibigay ng limos. Ito ang panahon upang mas ituon ang ating oras at atensyon sa Diyos. Sa dami ng oras na ginugugol sa maraming bagay sa mundo, binibigyan tayo ng Simbahan ng 40 araw hanggang Miyerkules Santo upang suriin ang sarili, pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Ito ay panahon ng paglilinis. Kapag tayo’y nag-aayuno at umiiwas sa pagkain ng karne, nagiging mas malakas tayo sa espirituwal na paraan. Sa disiplinang ito, nagiging kontrolado natin ang pita ng laman, mas makakalaban tayo sa tukso o pagnanais na gumawa o magsalita ng masama. Laging sinasabi ng mundo na masanay dapat tayong sundin ang sarili nating kagustuhan - kung ano ang gustong kainin at gustong gawin. Ang pagpigil nito ay isang sakripisyo na maituturing para sa Diyos kung ginagawa nang may pagmamahal.
Ang pagtitimpi at pagpapasensiya sa kahinaan ng iba ay maari ring maging pag-aayuno. Bukod sa pag-aayuno sa pagkain, magpigil tayo ng mga masasamang gawain natin. Kung mahilig tayong mamintas at maghusga ng kapwa, gawin natin itong sakripisyo sa Diyos at sikaping pigilin ang sarili sa tulong Niya. Tiyak malilinis tayo sa ating mga kasalanan lalo kung sasamahan natin ito ng tama at sinserong pagkukumpisal. Papatawarin tayo ng Diyos sa ating mga nagawa sa Kanya at sa kapwa at lalong pagpapalain sa ating buhay.
Ang pagpapatawad ay isa ring magandang gawain ngayong Kuwaresma. Gusto nating mapatawad tayo ng Diyos, magpatawad din po tayo. Kailangang makita natin kung gaano tayo kahina at kamakasalanan. Makakatulong ito upang tayo ay makapagpatawad sa mga nagawa sa atin ng iba. Mas magiging mababa ang ating loob at malapit sa katotohanang lahat ng mabuti sa atin ay mula sa Diyos. Ito ang pusong kalugud-lugod sa Kanya.
Magkawanggawa tayo mula sa mga natipid natin sa sariling pagkain dahil sa pag-aayuno. Magbigay tayo sa mga nagugutom at sa sinumang nanghihingi sa atin. Huwag nating husgahan ang mahihirap. Tiyak patatawarin din tayo ng Diyos at magiging kalugud-lugod sa Kanya lalo’t kung ginagawa natin ito nang walang nakakakita at hindi pinapalakpakan ni pinasasalamatan.
Sa huli, hindi natin magagawa ang alinman sa mga ito ng walang panalangin. Pananalangin, pag-aayuno at pagbibigay ng limos ang tatlong haligi ng panahon ng Kuwaresma na dapat nating gawin sa loob ng apatnapung araw na ito. Bakit hindi natin bawasan ang sobra-sobrang panahon sa social media at panonood ng mga katatawanan upang magbasa at magnilay sa Bibliya? Bakit hindi natin bawasan ang iba pang aktibidad sa buhay na hindi naman kailangan upang mas magbigay ng panahon na makipag-usap sa Diyos, puso sa puso?
Maiksi lamang ang buhay at nawa’y makasigurado tayong naghahanda tayo sa dapat paghandaan sa kabila ng maraming iniintindi sa buhay. Ang dapat pinaghahandaan ay ang permanenteng buhay natin sa Langit. Bukod sa pagkaing para sa katawan, huwag na huwag nating kalilimutang pakainin ang ating kaluluwa sa Banal na Eukaristiya at Salita ng Diyos. Tandaan nating dapat nating pagandahin at papaliguan ang ating kaluluwa sa sakramento ng Kumpisal. Huwag sanang puro panlabas ang atupagin natin dahil Diyos ang nakakakita kung gaano kalinis o karumi ang ating kaluluwa. Siya ang maghuhusga sa atin pagdating ng araw.
Ngayong Miyerkules ng Abo, bilang mga Katoliko ay obligado tayong huwag kumain ng karne at mag-ayuno. Isang pagkain lamang at dalawa pang maliliit na pagkain na hindi tutumbas sa isang pagkain (full meal) ang dapat. Ang karne tulad ng baboy, manok, baka at iba pang tulad nito ay bawal subalit maaring kumain ng isda at mga lamang dagat. Ang liban lang sa pag-aayuno ay edad 60 pataas subalit lahat ay hindi dapat kumain ng karne mula edad 14 pataas. Ialay natin ang sakripisyong ito para sa Diyos at para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa. Walang imposibleng gawin kapag tayo’y tunay na umiibig sa Diyos. Kung umiibig tayo sa Kanya, nanaisin natin Siyang samahan sa pag-alaala sa Kanyang pagpapakasakit sa loob ng mga banal na araw na ito.