Nobyembre 17, 2024
MABUTING BALITA
Marcos 13, 24-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.
“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula.
“Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakakaalam nito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula”. Ito ang wika ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Habang tayo’y naghahanda sa nalalapit na pagtatapos ng kalendaryo ng ating Simbahan, pagninilayan natin ang paghuhusga ng Diyos at ang wakas ng mundo. Dalawa ang paghuhusga na ating mararanasan. Isa sa wakas ng ating buhay at isa sa wakas ng mundo. Walang nakakaalam kung kailan ito mangyayari ngunit maari tayong makapaghanda. Paano nga ba? Gaya ng sabi ni Hesus, ang salita lang Niya ang hindi nababago. Ang salita Niya ay hindi magwawakas kaya nga Diyos ang ating dapat na Kapitan at ang Kanyang salita. Siya at Kanyang salita dapat ang sentro ng buhay, ang ating inuuna sa lahat ng bagay. Ang trabaho ay nariyan, ang mga gawain ay nariyan, subalit ang Diyos ay laging naghihintay sa atin sa sakramento ng Eukaristiya. Kung hindi natin Siya tatanggapin doon sa Banal na Komunyon – Katawan at Dugo, paano tayo makapaghahanda? Paano natin madidiskubre ang ating misyon kung hindi tayo nagdarasal at lumalapit sa Diyos na May-akda at may dakilang plano sa ating buhay? Ang tao’y hindi mapapanatag hangga’t hindi niya iniibig at inuuna ang Diyos sa lahat, at hangga’t ang pinahahalagahan at kinakapitan niya ay tao, bagay, sarili at iba pa na hindi Diyos. Kaya sa araw na ito ay magsuri tayo ng ating puso. Hilingin nating gabayan at tulungan tayo ng Diyos paano ihanda ang ating mga sarili sa wakas. Magsisimula ito sa araw-araw.