MABUTING BALITA
Mateo 2:1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Hesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.”
Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayun din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipinanganak ang Mesiyas. “Sa Betlehem po ng Judea,” tugon nila. “Ganito ang sinulat ng propeta:
‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda,
ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno
na mamamahala sa aking bayang Israel.’”
Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang mga tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pabilinan ng ganito: “Humayo kayo at inyong hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong natagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako may makasamba sa kanya.” At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayun na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.
Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ngayon po ang tinatawag na “Epiphany Sunday”. Ang ibig sabihin po ng “Epiphany” ay pagpapakita ng Panginoon. Sa wikang Ingles, ito po ay tinatawag na “manifestation”. Nagpakita na ang Panginoon sa atin. Ipinakikila Niya ang sarili bilang Hari ng mga hari. Subalit makikita natin ang kaibahan Niya sa mga makamundong hari. Si Herodes ay ganid sa kapangyarihan sapagkat ito lamang ang pinakamahalaga sa kanya. Kaya naman kahit pumatay siya basta’t manatili siya sa kapangyarihan ay ayos lamang sa kanya. Subalit si Hesus ay kabaliktaran nito. Isa Siyang Hari na piniling isakripisyo ang sarili upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama Niya. Tayo kaya, sino ang tunay nating itinatangi at pinahahalagahan sapat upang sikaping gayahin? Ang makamundong mga lider ba na maaring sumasalamin sa mga politiko, “influencers” at “celebrities” ngayong panahon na ang mahalaga ay makamundong kayamanan, magagarang bahay, kasikatan at kagandahan ng itsura? Ang mga ito rin ba ang hinahangad natin? Lahat ito ay tila nagpapangako ng kaginhawaan at kasiyahan ng buhay ngunit ayon sa ebanghelyo, sa Diyos lamang ito matatagpuan. Maging masaya man tayo saglit dahil sa mga bagay na ito ay hindi ito sasapat kailanman. Laging mayroon tayong hahanapin pa kung hindi Diyos ang dahilan, sentro at patutunguhan ng ating buhay. Ang pangako ng Diyos ay kahit mawalan tayo, mahirapan, ipagtanggol Siya at itatwa ng karamihan ay magkakaroon naman tayo ng kapayapaan at buhay na walang hanggan kung saan wala nang luha at wala na tayong hahanapin pa dahil kasama na natin mukha sa mukha ang Diyos. Ang Langit ang tunay na “ultimate goal” ng ating buhay. Nawa, pagkalooban tayo ng Diyos ng kababaang loob na suriin ang sarili at ihabilin natin ang sarili sa Diyos upang mabago Niya tayo. Amen. +