Disyembre 17, 2023
MABUTING BALITA
Juan 1, 6-8. 19-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
Sumagot si Juan, “Ako
‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”
Ang Propeta Isaias ang maysabi nito.
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo.
Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Sa lahat ng mga kumukutikutitap na ilaw sa paligid, iisa lamang ang tunay na Liwanag at Ilaw ng mundo. Ito’y walang iba kundi si Hesus. Ang mga pagsubok, problema, sakuna, kasalanan at kasamaan ang mga dilim sa ating buhay. Ngunit kung mayroong Diyos na kinakapitan at pinaniniwalaan, hindi tayo magagapi ng mga ito. Matapos ang bawat dagok at kasalanan, tayo’y makakabangong muli.
Nagbibigay ang Diyos ng walang hanggang pagkakataon para tayo’y magbago. Isa ang panahong ito upang suriin ang sarili at tingnan, anu-ano ang mga pagkukulang natin sa Diyos? Sa kabila ng lahat ng ating pagkukulang at kahinaan, alalahanin nating hindi nagbabago ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Isa pa itong rason upang lalo Siyang mahalin dahil ang Kanyang binibigay na pag-ibig ay walang kondisyon. Hindi ito para lamang sa malalakas at magagaling. Lalong-lalong minamahal ng Diyos ang mga mahihina’t kailangan ng kalinga. Ibaba nawa natin ang ating loob sa Kanya.
Ang Ikatlong Linggo ng Abdiyento ay makikila sa kalimitang suot ng pari na kulay rosas. Ang kaisa-isang kandilang kulay rosas sa Advent Wreath ay sinisindihan na rin. Simbolo ito ng “Kagalakan”. Kagalakang nagtatagal, kagalakang galing sa Diyos at hindi nakadepende kung masarap ang pagkain o hindi. Hindi rin batayan kung pinupuri tayo ng mga kamag-anak sa reunion o hindi. Ang kagalakang ito’y nadarama at naparoroon sa sinumang taong tulad ni Maria na buong buong tinatanggap ang Salita sa kanyang buhay. Kapag ang Diyos ang tunay na nasusunod sa iyong buhay, at ang kabutihan ang lumalabas sa iyong bibig mula sa isip at puso, Diyos ang namamayani sa iyong buhay. Kung hindi at puro negatibo, magsuri tayo at hingiin ang Kanyang tulong para tayo’y tuluyang magbago. Hayaan natin ang sariling mabago ng Diyos.
Sa kahinaan man, kasalanan, o pagsubok sa buhay, laging may dahilan para magalak – ang presensiya ng Diyos na hindi nawawala kailanman. Ni minsan, hindi Siya tumalikod sa atin. Tayo ang tumatalikod at nagkukulang sa Kanya. Panahon na ngayon upang humingi ng tawad at magbalik. Dito tayo tunay na magagalak. Sa pagbabalik sa Diyos, sa pagtalima sa Kanya at hindi sa pagiging abala sa mga bagay sa mundo. Magalak tayo dahil ang awa, patawad at pag-ibig ng Diyos ay nasa atin na. Buksan natin ang puso natin at ibigay ang ating mga kahinaan at kasalanan sa Kanya. Pahugasan natin ang ating mga puso sa sakramento ng kumpisal at palakasin ang ating mga kaluluwa sa pagtanggap sa Kanya sa Banal na Eukaristiya laban sa mga tukso at masama. Amen. +
Marga de Jesus | OLA Social Communications
Maari pong mabasa ang buong ebanghelyo sa Awit at Papuri Communications official website.
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon.
Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.