Ilang araw na ang nakalipas mula nang matapos ang Buwan ng Santisimo Rosario. Natapos na rin ba ang ating debosyon dito? Sana ay hindi. Alamin at tuklasin natin kung bakit mahalaga ang debosyon na ito.
Ang salitang rosaryo ay nagmula sa wikang Latin na "rosarium" at nangangahulugang “korona ng mga rosas”. Isa itong uri ng dasal na may pag-aalay ng rosas sa Mahal na Birhen sa pamamagitan ng panalangin. Hindi lang ito isang debosyon bilang parangal sa Birheng Maria ngunit higit sa lahat, ito ay pagninilay sa buhay ng ating Panginoon. Binubuo ito ng apat na misteryo, ang Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati at Liwanag. Ang dasal ay sinisimulan sa mga hanay ng tukoy na panalangin. Una ang Credo, isang Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria at isang Luwalhati.
Maraming mga dakilang Santo Papa, santo, at pinunong Kristiyano ang humimok sa atin na magdasal ng rosaryo. Ito ay isang malakas na panalangin. Sabi nila, isa itong panalanging nakakapagpabagong buhay, nakakapagbuklod ng pamilya, nakapagbibigay ng kapayapaan sa buong mundo, nakapagbabalik loob ng buong bansa at nakapagtatagumpay ng kaligtasan ng mga kaluluwa.
Ang pagkakaroon ng matapat na debosyon at pagdarasal ng Santo Rosaryo ay mayroong kaakibat na kamangha-manghang grasya at biyaya mula sa Diyos. Ito ay may malaking maitutulong para sa lahat ng Kristiyanong nagdarasal nito. Sa tuwing nagdarasal tayo ng Santo Rosaryo, higit ang grasyang ibinibigay ng Diyos sa atin dahil ipinapanalangin din tayo ng Mahal na Birhen.
Sinabi ng ating Mahal na Ina mula sa kanyang mga aparisyon tulad ng sa Fatima, tayo ay palaging magdasal ng rosaryo para sa kapayapaan ng mundo at pagbabalik loob ng mga makasalanan. Ang panalanging ito ay ang ating kasangkapan at pananggalang sa pagharap sa lahat ng mga pagsubok at suliranin.
Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay nagpapahintulot sa atin na makatagpo si Maria at makapasok sa mga misteryo ni HesuKristo. Mula sa Kanyang Pagkakatawang Tao, hanggang sa Krus, hanggang sa Muling Pagkabuhay, nauunawaan natin na ang Diyos ay nagpahayag ng Kanyang sarili at iniligtas tayo. Madaragdagan ang pag-ibig sa ating puso para sa Diyos tuwing pinagninilayan ang mga katotohanang ito. Matapos ang Banal na Misa, pumapangalawa ang Santo Rosaryo sa pinakamainam na paraan ng paggunita sa misteryo ng buhay ng ating Panginoong Hesus. Nawa'y patuloy tayong bigyan ng inspirasyon ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng mga Walang Mag-ampon tungo sa buhay ng pagsunod kay Hesus sa pamamagitan ng ating pananalangin ng Santo Rosaryo. Amen.