Una, bagamat malinaw na pinagpala at pinili ng Diyos, namuhay siya ng tahimik at simple. Hindi niya inibig ang anumang kayamanan at karangalan sa mundo.

Hunyo 24, 2024.
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ng isang dakilang propeta na nagdurugtong sa Luma at Bagong Tipan. Siya ang naunang dumating kay Hesus, anim na buwan bago ipanganak ang Panginoon. Kaya naman, ang pagsilang ni Juan ay isang hudyat na malapit nang matupad ang pangakong pagliligtas ng Panginoon. Ang pangako ng Diyos ay laging natutupad at maasahan natin ito. Si Juan ay isang tanda ng katapatan ng Panginoon sa Kanyang salita. Siya ay isa ring tanda ng pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang pangalan niyang “Juan” ay may ibig sabihin na “God is gracious”. Tunay na mapagpala ang Diyos. Ang kaligtasan ay isang regalo para sa atin. Paano ito isinabuhay ni Juan?
Una, bagamat malinaw na pinagpala at pinili ng Diyos, namuhay siya ng tahimik at simple. Hindi niya inibig ang anumang kayamanan at karangalan sa mundo. Kontento na siya sa kanyang buhay sa ilang na nananalangin at nag-aayuno.
Ikalawa, ang mga sakripisyong ito ay ang mga instrumentong naglapit sa kanya sa Diyos at naglayo sa mundo. Maari siyang magkaroon ng posisyon at kapangyarihan sa makamundong paraan kung nanaisin niya subalit pinili niya ang tungkulin sa Diyos sa pagpapakababa, malayo sa kasikatan ng iba. Dahil dito, Diyos na mismo ang nag-angat sa kanya. Kung iniibig na natin ang lahat ng mayroon dito sa lupa, ano pang aasahan natin sa Langit? Ngunit sa pagpipigil ng sarili gaya ni Juan na malimit mag-ayuno ay natuturuan ang puso na mahalin ang mga espirituwal na bagay at mas abangan ang buhay na susunod kung saan makakapiling ang Diyos.
Kung magagawa natin ang dalawang bagay na ito sa ating sariling paraan, sa paraang kaya natin, magiging mas malapit tayo sa mga anghel at ang mga banal na namuhay na iniibig ang Diyos ng buong buhay, puso at kaluluwa. Ang taong marunong magmahal, magbigay at magsakripisyo ng sarili ay ang tunay na pinagpapala ng Diyos dahil ang pagpapala ay hindi lamang materyal. Higit pa rito ay ang espirituwal na biyaya tulad ng kayapaan ng puso na ating matatanggap at madadala hanggang Langit, kahit pa ang kailangan ay sakripisyo at palagiang pananalangin.
Maligayang Dakilang Kapistahan po ng Pagsilang ni San Juan Bautista!