Pagninilay:
Maligayang Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo! Bakit nga niya kinailangang magbagong-buhay?
Matatandaang inuusig niya ang mga Kristiyano at pinarurusahan. Isa siyang Pariseo at iniisip niyang tama ang kanyang ginagawa dahil para sa kanilang mga Hudyo, mali si Hesus at ang lahat ng Kanyang ginawa. Ngunit marahil dahil malinis ang kanyang hangarin at akala’y ginagawa niya ang tama para sa Diyos, binigyan siya ng espesyal na grasya para sa mabilis na pagbabagong-buhay. Ito ay magagawa lamang ng Diyos. Hindi si San Pablo ang may gawa nito kundi ang Diyos.
Ang isang taong maraming pinahirapan at pinatay na Kristiyano ay naging isa sa dalawang prinsipe ng Simbahan. Ito ay isang napakalaking biyaya na Diyos. Siya ang tumawag kay San Pablo upang magbagong-buhay at makilala Siyang tunay. Halos kalahati ng Bagong Tipan ay isinulat ni San Pablo at dahil sa kanya, lumago ang Simbahan sa pagtatayo ng mga komunidad sa iba’t ibang lugar. Si San Pedro ay ang bato na pundasyon ng Simbahan at si San Pablo naman ay ang mahalagang instrumento ng Diyos para sa mga misyon gaya ng labindalawang apostol.
Lahat tayo ay mga nanakit din sa Diyos subalit ang lahat ay may buhay na walang hanggan pa ring aasahan kung gagawin lamang sana natin ang tama. Ang tamang gawin ay magsuri tayo ng sarili araw-araw bago matulog. Humingi tayo ng tulong sa Espiritu Santo upang ipakita sa atin ang lahat ng Kanyang grasya at lahat ng ating maling ginawa at sinabi o mga mabubuting bagay na dapat nating ginawa ngunit hindi natin ginawa.
Walang sinuman ang makapagsasabi siya ay malinis at banal na at wala nang kailangan pang gawin sa sarili. Habang tayo’y nabubuhay dito sa mundo, kailangan nating labanan ang tukso at ang masama. Walang sinumang may bahid ng dumi ang makapapasok sa Langit. Aminin natin ang mga kahinaan at kasalanan natin sa Diyos at humingi ng tawad sa Kanya. Dumalo tayo sa Banal na Misa at magkumpisal.
Hindi man lahat ay makatanggap ng mabilisang pagbabago sa buhay gaya ng kay San Pablo, maari naman tayong magbagong-buhay sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sa mga maliliit na bagay. Dito ngayon sa mga ordinaryong bahagi ng buhay ay maari tayong mapalapit sa Diyos at maging banal. Hindi na kailangang maghintay pa ng malaking himala. Gawin na natin ang tama, mabuti at makakaya ngayon pa lamang.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +