
ANTIPOLO CITY- Idinaos ang tradisyunal na ahunan sa lungsod ng Antipolo ng mga taga-Marikina noong Hunyo 18, 2023 na ginanap sa Pandaigdigang Dambana ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay sa Lungsod ng Antipolo, Rizal. Ito ay dinaluhan ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Kgg. Marcy Teodoro, Punong Lungsod, mga kaparian, magsasapatos ng lungsod, at mananampalataya ng iba’t ibang parokya sa Marikina.
Matapos ang parada patungo sa Pandaigdigang Dambana, ginunita ang banal na misa sa pangunguna ni Lub. Kgg. Nolly Buco, JCD, JSD, DD, katuwang na obispo ng diyosesis ng Antipolo at kura paroko ng Dambana ng Ina ng mga Walang Mag-ampon sa Marikina, kaisa sina Rb. Pd. Lamberto Ramos, administrador ng Dambana at Rb. Pd. Reynante Tolentino, kasalukuyang rektor at administrador ng pandaigdigang dambana ng Antipolo. Si Pd. Tolentino ay dati ring administrador at kura paroko ng Dambana ng Ina ng mga Walang Mag-Ampon.
Sa Homiliya ni Pd. Ramos, sinabi niya na ang Mahal na Birhen ay hindi lamang Ina ng Diyos kung hindi Ina rin ng sangkatauhan:
“The Mother of Jesus has become our mother because when Mary gave birth to Jesus, She gave birth to a new human race as well. So Mary is not only the Mother of God, but also our Mother. In other words, tayong lahat. Dalawa ang ating Ina, ang ating biological mother at ang Inang Maria na ipinagkaloob ni Hesus.”
Pinasalamatan naman ni Rb. Pd. Vicentico Flores, Vicar Forane ng Vicariate ng Ina ng mga Walang Mag-ampon ang lahat ng lumahok sa ahunan para sa taong ito, partikular na sa nangasiwa ng banal na misa at mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng Marikina:
“Ito ang araw ng pagpapasalamat sa Diyos sapagkat kasama ang Ina nating si Maria, tayo ay Kanyang dinala dito sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya upang tanggapin ang ating Panginoon.”
Bago matapos ang banal na misa, binigyang diin ni Kgg. Marcy Teodoro, Punong Lungsod ng Marikina, ang kahalagahan ng ahunan sa mga taga-Marikina. Aniya, ang malalim na pananampalataya ang bunga ng banal na paglalakbay:
“Mula sa iba’t ibang Parokya tayo ay nagsama-sama bilang mga taga-Marikina hindi lamang upang ipagpatuloy ang isang tradisyon, kung hindi para mapaigting rin ang ating pananampalataya. Maliban sa pagiging tradisyon, ang pagsama sa ahunan ay personal sa bawat isa.”
Ang ahunan sa Antipolo ay isang tradisyon ng mga taga-Marikina ng pagpapakita ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria at malalim na pananampalataya. Sinasabing ginagawa ito ng mga taga-Marikina bago pa man ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Sanggunian:
Marikina Public Information Office (https://www.facebook.com/MarikinaPIO)
Mark Andrei de Leon | OLA Social Communications