Bahagi na ng ating kulturang Kristiyano ang ipagdiwang ang mga pinipintakasing santo o santa bilang pag-alala sa kanilang kabanalan at huwarang pamumuhay. Hindi lamang ito basta araw ng pagsasaya kundi araw din upang ituro ang katekesis ng simbahan para sa mas makabuluhan na pananampalataya at buhay. Mula rito, isang tanyag na santo ang namuhay ayon sa Salita ng Diyos at kaniya namang isinabuhay at isinapuso; ang butihin at puspos na si San Roque.
Si San Roque, kilala rin bilang Tata Roque sa lungsod ng Marikina, ay isinilang sa Montpellier, Pransiya. Anak siya ng gobernador ng nasabing bayan. Ayon sa tradisyon at paniniwala, hiningi siya ng kaniyang mga magulang sa Mahal na Birhen at nang siya ay maisilang, isang mapulang Krus ang nakita sa kaniyang dibdib na ikinahuli ng mga kabanalang gagawin niya sa kaniyang buhay. Maaga siyang naulila sa magulang ngunit dito nagsimula ang kaniyang pagmimisyon sa pamamagitan ng pamamahagi kaniyang yaman sa mga dukha at nangangailangan. Nagdamit siya ng pamperegrino at naglakbay patungong Roma. Sa panahon ng kaniyang paglalakbay, talamak ang iba’t ibang karamdaman na pumupuksa sa tao. Ginamot niya ang bawat isa sa pamamagitan ng pagkukrus sa mga tinamaan na agad namang gumaling. Sa pagtahak ni San Roque sa Roma, nakahalik siya sa mga paa ng dating Papa Benedicto XI. Sa pagtahak naman niya sa Bayan ng Placencia, sinubok ng Diyos ang kaniyang katatagan at pananalig sapagkat dito ay nahawa siya ng sakit at ipinatapon sa kagubatan. Sa malungkot na bahagi ng buhay niyang ito, isang maituturing na anghel ang aso na nagdadala sa kaniya ng tinapay sa kagubatan upang punan ang kaniyang nagugutom at nanghihinang katawan. Sa kaniyang paggaling ay bumalik siya sa kaniyang bayan ngunit sa halip na makilala at tanggapin ay inakusahan siyang espiya. Hinatulan siya ng habambuhay na pagkakakulong ng kaniya pa mismong kamag-anak at noong ika-16 ng Agosto 1327, pumanaw ang butihing si San Roque at nakita ang tablang kinasusulatan ng
“Kung sinuman ang tumawag sa aking aliping si Roque ay ipag-aadya ko laban sa salot, alang-alang sa kaniya.”
Tanyag na patron si San Roque ng mga may sakit at laban sa salot tulad ng epidemya at pandemya tulad ng COVID-19 na nanalasa sa atin sa loob ng dalawang taon. Patron din siya sa maling pag-aakusa, hindi binibigyan ng halaga, at mga batsilyer. Kinikilala rin siyang patron ng mga aso dahil sa kakaibang kwento na bahagi ng kaniyang banal na buhay kasama ang aso. Sa ating bansa, isa ang bayan ng Marikina na may malawig at masintang debosyon sa kaniya kaisa ang mga lungsod ng Caloocan at Navotas at Probinsya ng Cavite.
Ang buhay ni San Roque ay tunay ngang huwaran hindi lamang sa kabanalan, pati na rin sa kababaang loob. Tulad niya, tahimik nating isapuso at isabuhay ang Salita ng Diyos para sa ikauunlad ng ating makabuluhang pamumuhay.
San Roque na aming patron,
Sa Diyos, turuan kaming tumuon.
Ingatan nawa ang aming bayan,
Ilayo sa sakit at karamdaman
At panatilihin kami sa kabanalan.
Gabriel Hans Ordonez | OLA Social Communications