Marso 31, 2024.
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Sa pagmimisa sa hapon, maipapahayag ito.
Lucas 24, 13-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya.
At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Si Kristo ay muling nabuhay. Aleluya! Aleluya! Mawawalan ng saysay ang pagkamatay ni Hesus sa Krus kung Siya’y hindi muling nabuhay. Ngunit dahil nabuhay muli ang Panginoon, wala nang kapangyarihan ang kamatayan sa Kanya. Sa mga panalangin kapag may patay, lagi tayong pinapaalalahan nito – na ang pagkamatay din ng mga mananampalataya ay hindi na pagkamatay na natatapos lamang doon, kundi daan na ito sa buhay na walang hanggan. Bukas na ang Langit na dati’y sarado dahil sa unang pagkakasala ng tao. Purihin si Hesus na nagpakasakit, namatay at nabuhay na mag-uli!
Kaya nga ang araw na ito na tinaguriang “Easter Sunday” o Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ito ay unang araw lamang ng 50 araw na pagdiriwang na tinatawag na “Easter Season” o ang Pasko ng Pagkabuhay. Hindi pa ngayong araw nagtatapos ang lahat. May limampung araw pa tayo para ipagdiwang ang muling pagkabuhay ni Hesus. Bukod dito, mula ngayon hanggang sa susunod na Linggo, Divine Mercy Sunday, ay tinatawag na “Easter Octave”. Ito ay walaong araw na parang Linggo na mga pinakamatataas na pagdiriwang upang mapalalim ang pagninilay ng Simbahan ukol sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Kailangang tumimo sa ating mga puso na si Kristo ay tunay na bumangon mula sa mga patay at Siya ay nagtagumpay sa planong pagliligtas ng Diyos dahil dito.
“Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.” Iyan ang nasasaad sa huling bahagi ng ebanghelyo natin ngayon.
Hindi kasi lahat ay nagkakaroon ng pag-asa tuwing may dagok na pinagdaraanan sa buhay. Marami sa atin ang nakapako pa rin sa krus at pinanghahawakan ang mga sakit na iyon. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagtuturo sa atin na kung tayo ay dumudulog sa Diyos, sumusunod sa Kanya at gumagawa naman ng mabuti, magkakaroon din ng kasagutan sa mga problema at lunas sa mga sakit na kinakaharap sa buhay. Lagi tayong mayroong aasahan sa Diyos. Ang paghihintay natin ay hindi mababalewala kung lagi rin nating titingnan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Tularan natin si Maria na ating Ina, ang Inang Mapag-ampon, na nanatili kay Hesus sa paanan ng Krus. Ito na nga marahil ang pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay kung saan ang pinakamamahal niyang Anak at Diyos ay walang awang pinaslang at inalipusta ng mga taong pinag-alayan Niya ng buhay. Nakita niyang masakit na masakit na tahasang tanggihan ang buong pag-ibig na iniaalay ng Kanyang Anak sa mundo. Pinamakasakit ito para sa isang magulang na lubos na umiibig sa kanyang anak.
Sa kabila nito’y nanatiling nagtitiwala ang Birheng Maria sa Diyos. Nanatili siyang naghihintay sa plano ng Diyos hanggang sa matupad. Umasa siya sa pangako at salita ni Hesus na siya’y mabubuhay muli. Tayo rin sana na naghihintay sa Diyos ay maunawaan na mayroon tayong laging aasahan sa Kanya. Kung nagawa Niyang magapi ang kamatayan at mailigtas tayo, makakaya rin Niyang gawin ang kahit ano para sa atin. Ang hinihintay Niya’y maniwala tayo sa Kanya at huwag manatili sa dilim ng pagdududa. Simula pa lamang ito ng malakihang pagdiriwang para mapagnilayan at maunawaan natin ang tagumpay ng Diyos na magiging tagumpay din ng lahat ng taong tunay na nananampalataya at sumusunod sa Kanyang Salita. Amen. +
PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.