Mayo 1
Ngayong araw ay ginugunita natin si San Jose Manggagawa. Dalawang araw sa kalendaryo ng Simbahan ipinagdiriwang San Jose. Tuwing ika-19 ng Marso ay ang Dakilang Kapistahan ni San Jose bilang asawa ni Maria. Ang paggunita naman ngayon ay para kay San Jose bilang Manggagawa. Dahil sa pagiging karpintero, binuhay at pinakain niya sina Hesus at Maria. Sa kanyang pagiging ama ni Hesus dito sa mundo, nagkaroon ng katuparan ang planong pagliligtas ng Diyos. Siya ang anino ng Ama dito sa lupa. Isa siyang modelo ng lahat ng mga ama at kalalakihan.
Sa lahat ng mga santo liban kay Maria, si San Jose ang pinakabanal at importante sa lahat ng mga lalaki. Ang ginawa lang niya ay maging isang mabuting asawa, ama at manggagawa para sa pamilya at lipunan. Kung iisipin natin, ganito pala kahalaga ang mga papel na ito na marahil ay karaniwan sa atin. Dahil sa pagiging ordinaryo nito, malamang nahihirapang isipin ng iba na posibleng maging santo sa ganitong buhay ngunit maari pala. Ang katauhan ni San Jose ang patunay nito. Paano nga ba niya nagawa iyon?
Unang unang kahanga-hangang katangian ni San Jose ay ang kanyang katahimikan. Ang katahimikan ay hindi lang sa panlabas na hindi ka nagsasalita. Ito rin ay katahimikan ng puso. Ang pusong ganito ay minamahal lamang ang Diyos higit sa lahat at hindi ang kung anu-anong bagay aa mundo. Kailanman ay hindi napapanatag ang pusong inilalagay ang kasiyahan niya sa materyal na bagay. Lagi iyong nawawala at hindi maasahan. Si San Jose ay isang taong umaasa lang sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa Diyos siya laging may kasiguraduhan anuman ang mangyari sa kanyang buhay at sa lahat ng pagsubok na pinagdaraanan ng Banal na Pamilya.
Gumagawa siya nang tahimik bilang pagsunod sa Diyos. Kontento siya sa kanyang buhay na pagiging ama, asawa at manggagawa. Ang kanyang pananalig sa Diyos, pagkalinga sa pamilya at trabaho ang mga bagay na mahahalaga sa kanya, pinaglalaanan niya ng oras at nagpapaligaya sa kanya. Wala na siyang mahihiling pa kundi ang matupad ang mga gawain at tungkuling ito bilang responsibilidad at pananagutan sa Diyos. Ang kanyang pananalig sa Diyos, pamilya at trabaho ang ligaya ni San Jose.
Kung ganito rin sana ang lahat ng tao sa mundo, mas magiging payapa tayo, kontento at makararating nang matiwasay sa Ama sa Langit. Nagdurusa ang karamihan dahil sa pagmamataas, pagtakas sa responsibilidad, pandaraya at kasakiman ng iba. Gawin lang natin ang ating misyon sa buhay na mula sa Diyos. Gawin natin ito nang buong kababaang-loob at galak nang walang hinahangad para sa sarili at tayo’y magiging mga banal.
Ngayong araw, ipanalangin natin ang lahat ng ama, asawa at manggagawa. Nawa ay maging banal ang lahat ng trabaho at ialay ito sa Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian.
San Jose Manggagawa, ipanalangin mo kami. Amen. +