Ilang sandali na lang, atin ng ipagdiriwang ang pagsilang sa Manunubos. Ilang sandali na lang, atin ding matutunghayan sa ating mga parokya ang pagsasadula ng Panunuluyan; isang naratibo kung saan isinasalaysay ang masalimuot na paglalakbay nila Jose at Maria mula Nazaret hanggang sa Bethlehem upang makahanap ng pansamantalang masisilungan- isang paghahanda sa pagsilang sa Manunubos.
Hindi man ito bago sa atin bilang katoliko, ngunit ang taunang pagsasadula ng Panunuluyan ay isang panawagan sa atin na patuloy tayong magtiwala at maghintay, ‘pagkat masalimuot man ang ating paglalakbay dito sa mundo, darating at makakatagpo tayo ng katiwasayan at kaligtasan.
Tulad na lamang ng ating masidhiing pagdalo sa siyam na simbang gabi sa ating mga simbahan, sa bawat gabi, sinasamahan natin si Maria sa masalimuot na paglalakbay hanggang sa pagsilang niya kay Hesukristo. Sa bawat gabing tayo ay nagsisimba, tayo ay nag-aalay ng sarili, tayo ay nakikiisa upang madanas ang pinagdaanan ni Maria.
Sa Araw- Araw
Kung ating titingnan, sa araw-araw tayo din ay nanunuluyan- naghahanap ng pansamantalang masisilungan para sa ating kaginhawaan at kaligtasan. Sa araw- araw din, tayo ay nagpapaunlak o nagpapatuloy sa ating buhay.
Sa araw- araw ng ating buhay, tayo ay patuloy na naghahanap ng kaginhawaan at kaligtasan. Para sa pamilya, tayo ay nagsisikap sa ating mga trabaho, gumagawa tayo ng pamamaraan upang mabigyan ng kahit paano ay kaginhawaan ang ating pamilya. Tulad isang butihing ama na araw-araw ay tila ba nakikibaka sa lansangan makasakay lang sa bus o jeep makarating lang sa paroroonan; o ‘di kaya’y isang ina na matiyagang nagtitinda, umulan man o umaraw, naroon s’ya, para sa kanyang pamilya.
Dito natin masasalamin na ang paghahanap ng katiwasayan at kaligtasan ay may kaakibat na masalimuot na paglalakbay at hamon sa buhay. Tayo mismo, ay naghahanap ng
masisilungan sa kabila ng mga pagsubok na ito.
Sa araw- araw ng ating buhay, tayo din ay patuloy na tumatanggap o
nagpapatuloy. Sa kabila ng ating limitasyon at kakayanan, hindi pa din tayo nag-aatubiling tumulong, magpatuloy sa mga higit na nangangailangan. Marahil, sa panahong tulad ngayon, isang matinding hamon ito sa ating lahat:
“Handa ba tayong magpatuloy sa ating buhay?”
Handa ba tayong magbahagi ng sarili sa ating kapwa? Handa ba tayong magpatuloy sa taong higit na mas nangangailangan?
Sa kabuuan, araw- araw, tayo ay nanunuluyan, naghahanap ng katiwasayan at kaligtasan; sa masalimuot at nakakapagod na paglalakbay. Ngunit sa ating paghahanap ng masisilungan, kaakibat nito ay ang dalang pag-asa, na sa kabila ng mga masasalimuot at nakakapagod na yugto ng ating buhay, tayo ay patuloy na nananalig at nagtitiwala sa dulot ng pag-asang darating. Pag-asang hindi kailanman namimili, bagkus, ibinabahagi ang buong Sarili para sa lahat, makamit lang natin ang katiwasayan at kaligtasang ating minimithi.
Arvin Valencia |
OLA Social Communications