“PANANALIG NI MARIA” | Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.
Marga de Jesus | OLA Social Communication

Kung tayo’y nananalangin, dapat natin itong samahan ng pananalig na hindi tayo pababayaan ng Diyos masakit man ang pinagdaraanan. 

Disyembre 24, 2023


MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas


Noong panahong iyon: ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”


“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”


Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Pagninilay:


Ngayong Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, pagninilayan nating muli kung paanong tinanggap ni Maria ang tawag na maging Ina ng Diyos. Hindi ito madali at siya’y nagulumihanan sa umpisa. Sa kabila nito, nanaig pa rin ang kanyang tiwala sa Diyos dahil ito ay plano Niya kahit hindi pa lubusang maunawaan. Ngayong darating na ang panahon ng Kapaskuhan, marahil hindi lahat ng tao ay natural na masaya lalo’t kung may mga mabigat na iniinda.

 

Isang paalala ang ebanghelyo nating ngayong araw na patuloy pa ring magtiwala sa Diyos at kumapit sa pananalangin kahit hindi na natin maintindihan ang mga nangyayari sa ating buhay. Kung tayo’y nananalangin, dapat natin itong samahan ng pananalig na hindi tayo pababayaan ng Diyos masakit man ang pinagdaraanan. Mas mabigat na pagsubok, mas lalong dapat na manalangin at piliin ang Diyos kaysa sa bisyo at tsismis na makakasama sa atin.

 

Bigyan nawa tayo ng Diyos na maging tulad ni Maria ng lakas ng loob, kalinisan ng puso at pananampalatayang matibay na hindi natitinag ng kahit ano o sino. Iyong pananalig na sa gitna ng Krus ay mas lalong lumalalim. Iyon ang sa atin ay dapat. Kung gayon, ang ligaya nati’y hindi mauubos dahil hindi ito nakadepende kung maganda o hindi ang nangyayari sa buhay. Kung ganito, ang ligaya natin ay tuluyang maisasalalay sa Diyos na kailanman ay hindi lumisan sa ating piling. Tumalikod man tayo, matatagpuan natin Siya laging muli. Tuluyan na nawa tayong bumalik sa Kanya sa pagsisimba at sakramento ng kumpisal upang malinis ang ating mga puso sa mga pagkakasala.

 

PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Bukas po sa Araw ng Pasko ay dapat din po tayong magsimba.


Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.


By KN Marcelo | OLA Social Communications February 5, 2025
Gaya ni San Blas, huwag nawa tayong mag-alinlangang ipagtanggol ang ating pananampalataya. Huwag tayong matakot sa pangungutya o pag-uusig.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications February 5, 2025
Kapag binigay natin nang buo ang sarili at buhay sa Diyos upang ang plano Niya ang masunod, magkakaroon tayo ng kasiyahan, kapanatagan ng loob at kapayapaan na hindi natin matatagpuan makuha man natin ang lahat ng yaman sa mundo.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 28, 2025
Makikita ang karunungan sa ating buhay kung ginagamit natin lahat ng ating kakayahan at kaalaman para sa papuri sa Panginoon at upang tulungan ang iba na mapalapit sa Kanya.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 24, 2025
Si San Francisco ng Sales ay isang obispo at pantas ng Simbahan. Siya ay kilala bilang “the gentleman saint”.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 20, 2025
Maaaring hindi natin nararanasan ang pagdurusa na naramdaman ng santo na ating ginugunita ngayon, ngunit tayo ba ay patuloy na naninindigan sa ating pananampalataya?
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 19, 2025
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang debosyon sa Señor Sto. Niño. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay “Holy Child”. Ang “Holy Child” na ito ay walang iba kundi si Hesus.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications January 17, 2025
Isa sa kanyang sikreto sa kabanalan ay ang pagdarasal sa Diyos sa maraming beses sa isang araw, lalo na oras ng temptasyon mula kay Satanas.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 15, 2025
Tuwing ika-15 ng Enero ay ginugunita ng Simbahan ang kabanalan ni San Arnold Jannsen. 
By Marga de Jesus | OLA Social Communications January 12, 2025
Ang pagbibinyag ni Juan Bautista kay Hesus ay hudyat ng simula ng pampublikong ministeryo ng ating Panginoon. Magsisimula na ang tatlong taon Niyang pamamalagi sa mundo upang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo at mangaral ng Mabuting Balita.
By KN Marcelo | OLA Social Communications January 9, 2025
Nakikita ng mga tao ang kanilang paghihirap sa paghihirap ng Panginoon. Dahil sa Kanya, nararamdaman ng bawat deboto na mayroong Diyos na pwede nilang lapitan – Diyos na handang dumamay sa kanilang pinagdaraanan at nakaiintindi sa kanilang nararamdaman.
More Posts
Share by: