Ang gustong maging dakila ay kailangang maging pinakamababa. Tulad nga ng ating Panginoong Hesus na piniling maging Tao upang iligtas tayong lahat.

MABUTING BALITA
Marcos 9, 30-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya. At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nitong alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin – hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
“Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Ito ang mga salita ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayong Linggo. Akala ng mga alagad na ang pagsunod kay Hesus ay patungo sa makamundong pamumuno o posisyon. Kabaliktaran pala. Ang gustong maging dakila ay kailangang maging pinakamababa. Tulad nga ng ating Panginoong Hesus na piniling maging Tao upang iligtas tayong lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, Siya ay nagpakababa at ito ang naging ugat ng ating buhay na walang hanggan. Kung tayo ay magpapakababa at maglilingkod din tulad ni Hesus, tayo rin ay makakapagbigay ng buhay. Mabubuhayan ng loob ang mga mahihirap sa pagbibigay natin ng kahit kaunting pagkain. Mabubuhayan ng loob ang mga taong naapi dahil sa pagtulong natin sa kanila. Higit lalo pa, na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga taong aakayin natin kay Hesus at sa Simbahan nang may buong pagmamahal at sigasig. Maraming paraan upang maglingkod. Mahirap ito ngunit ito ang daan tungo sa Diyos, ang Diyos na nagbibigay-buhay. Kaya naman tayo rin ay tinatawag na maging instrumento Niya dahil tayo ay iisang pamilya na may iisang Ama, ang Diyos. Hindi tayo nabubuahay para lamang sa sarili.