Lalong naging espesyal ang Misa de Gracia sapagkat ipinagkaloob ni Papa Francisco sa Birhen ng Antipolo ang isang Rosa d' Oro o Gintong Rosas. Ito ang pinakamataas na pagpaparangal o regalo ng Santo Papa sa isang simbahan.
Isang buwan matapos ang makasaysayang pagdedeklara sa Antipolo Cathedral bilang Pandaigdigang Dambana ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ay isininagawa nitong Lunes, Pebrero 26, ang isang Misa de Gracia o Misa Pasasalamat. Pinamunuan ito ni Lubhang Kagalang-galang Salvatore "Rino" Fisichella, D.D., ang Pro-Prefect ng Section for Fundamental Questions regarding Evangelization in the World sa ilalim ng Dicastery for Evangelization. Nakiisa rin sa pagdiriwang ang Papal Nuncio na si Archbishop Charles John Brown, D.D., kasama ang mga obispo mula sa iba't ibang diyosesis.
Lalong naging espesyal ang Misa de Gracia sapagkat ipinagkaloob ni Papa Francisco sa Birhen ng Antipolo ang isang Rosa d' Oro o Gintong Rosas. Ito ang pinakamataas na pagpaparangal o regalo ng Santo Papa sa isang simbahan. Ang Pandaigdigang Dambana ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ay ang unang Marian Shrine sa Asya na nakatanggap ng Rosa d' Oro.
Upang ihanda ang mga mananampalataya sa Misa de Gracia ay nagkaroon muna ng Triduum Masses. Ang unang araw ng triduo ay dinaluhan ng mga kabataang kasapi ng Ministry for Youth Affairs, Vocation Ministry, Altar Servers Minsitry, mga mag-aaral mula sa Catholic Schools ng diyosesis, at mga kasapi ng Social Communications and Mass Media. Nakiisa sa nasabing pagdiriwang ang mga miyembro ng Social Communications Ministry ng OLA.
Sa mensahe ng pasasalamat ni Bishop Ruperto C. Santos, D.D., Obispo ng Antipolo, hinikayat niya ang mga mananampalataya at deboto ng Mahal na Birhen na mamukadkad ang Gintong Rosas at maging kilos ng pag-ibig at awa sa mga taong nangangailangan.