Paano na lang kaya tayo ngayon kung walang isang Maria? Paano kaya sa mga tagpo na nagpakita ang anghel dala ang Mabuting Balita, at nagdalawang isip sya? Ano kaya ang mundo natin ngayon?
Iba si Maria, sa mga tagpo na iyon, hindi niya iniisip ang kanyang sarili, bagkus namutawi ang mga katagang: “Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” (Lucas 1:38).
Si Maria ay naging masunurin sa ano man na ipinagkaloob ng Diyos. Tulad na lamang ng pagtanggap niya kay Hesus na dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Sino ba naman ang makaka-tanggi sa biyayang ito na maging Unang Tabernakulo ng Mabuting Balita?
Mula noong isilang niya si Hesus, hanggang sa paglaki, hindi ito pinabayaan ni Maria. Hanggang sa mga huling sandali ni Hesus sa lupa, naroon siya. Tulad ng nakakararaming Ina, kapag nahihirapan ang anak-naghihinagpis, ganoon din si Maria, kailanman hindi kayang iwan at talikuran ang anak.
Si Maria ay tulad ng ating mga ina, hindi napapagod gumabay at magsakripisyo para sa kanyang anak. Si Maria ang nagpapa-totoo sa kasabihan na:”Walang Ina ang kayang tiisin ang anak.” Kaya hindi itinuturing na iba si Hesus sa ibang mga bata- isang Anak na natatangi, minamahal at handang gabayan sa lahat ng bagay.
Ganoon din si Hesus:”Walang anak ang kayang tiisin ang kanyang Ina.” Si Hesus ay naging masunurin kay Maria, ano man ang kanyang kailanganin tulad na lamang ng tagpo sa Cana.
Kaya, kung may natatanging ina man sa lahat, si Maria ang ating maiisip. Sapagkat hindi niya kailanman inisip na mahirap ang kanyang haharapin sa pagtanggap niya kay Hesus bagkus, siya ang tumayong gabay Nito rito sa lupa.
Kaya, sa buwan na ito, ating alalahanin ang mga gabay at hindi matatawaran na sakripisyo ng ating mga Ina. Sapagkat tulad din ni Maria, ang ating mga Ina ay hanggang gumabay, handang magbigay ng kanilang buhay para sa atin.
Ating idalangin sa ating Diyos, sa tulong ni Maria na patuloy tayong gabayan sa mga pagsubok ng buhay. Sa mga panahong tayo ay lugmok,pagod, at pinanghihinaan ng loob, hayaan nating si Maria ang ating maging pahinga, sa panalangin ating kausapin:
” Maria, ilapit mo kami kay Hesus, gabayan mo kami tungo sa Kanya.”
Amen.
__
Arvin Valencia, OLA Social Communications Ministry