Sa paggunita ng Pistang Bayan 2023 sa karangalan ng Ina ng mga Walang Mag-ampon, patrona ng lungsod ng Marikina, noong Mayo 14, 2023, pinaalalahanan ni Lb. Kgg. Francisco de Leon, Obispo ng Diyosesis ng Antipolo, ang mga mananampalataya na magpatulong sa Espiritu Santo upang makayanan na maisabuhay ang utos ng Diyos. Ito ang naging tampok ng kanyang homiliya noong Misa Concelebrada. Kaisa sa pagdiriwang Lb. Kgg. Nolly Buco, Kura Paroko ng dambana at parokya ng Ina ng mga Walang Mag-Ampon at katuwang na Obispo ng Antipolo, Rb. Pd. Lamberto Ramos, Administrador ng parokya at ang mga ilang kaparian.
“Sabi ng Panginoon sa banal na ebanghelyo that he will send us ang advocate [and] helper at iyon ang Espiritu Santo. Kaya magpatulong po tayo sa Espiritu Santo na sa gayon ay makayanan nating maisabuhay ang mga utos ng Diyos, mahirap pero dapat gawin at makakayanan sa tulong ng Espiritu Santo,”
wika ng Obispo.
Sinabi ng Obispo na ang dahilan sa pagsunod sa Diyos ay buhat ng pagmamahal sa Kanya at hindi dahil sa kagustuhang pumunta sa langit o dahil sa takot na mapunta sa impyerno.
Love of the Lord, Love of God
Binigyang diin niya ang “Love of the Lord, Love of God”. Mahirap man daw sundin ang utos ng Diyos dulot ng “Human Tendencies” ng mga tao, hindi naman ito imposible.
“Ayon sa ating Panginoong Hesukristo, narinig natin sa banal na ebanghelyo, sabi Niya, kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.
If you love me, you will obey my commandments,” wika ng Obispo.
“Kapag mahal natin ang Diyos, madaling sundin ang kanyang mga utos. Parang kung kayong mag-asawa ay nagmamahalan, ano mang hirap ay malalampasan ninyo at makakaya ninyo,” dagdag niya.
Winakasan ng Obispo ang kanyang homiliya sa pagtatanong sa mga mananampalataya kung tunay ba ang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng gawa. Pinaalalahanan rin niya na kung mahal talaga ang Diyos, madaling sumunod sa mga utos Niya.
Sa pagtatapos ng Misa Concelebrada, pinasalamatan ni Rb. Pd. Lamberto Ramos, Administrador ng parokya, ang lahat ng mga tumulong sa pagpaplano at pagsasaayos ng Pistang Bayan para sa taong ito, partikular na ang mga Hermana Mayores na sina Justice Sesinando at Gng. Adela Villon. Ito ay sinundan ng pagtatanghal ng sayaw ng
lerion sa karangalan ng Birheng Maria.
Prusisyon ng mga Patron ng Marikina
Sa hapon ay ginanap rin ang prusisyon sa karangalan ng Mahal na Ina kasama ang ilan sa kinabibilangang mga patron ng mga parokya sa Lungsod ng Marikina. Ito ay sina San Isidro Labrador ng Brgy. Nangka, Holy Family ng Brgy. Parang, St. Paul of the Cross ng Brgy. Concepcion Dos, St. Gabriel of our Lady of Sorrows ng Brgy. Marikina Heights, Our Lady, Immaculate Concepcion ng Brgy. Concepcion Uno, Our Lady, the Immaculate Concepcion ng Provident Villages, San Jose Manggagawa ng Brgy. Tañong, San Antonio de Padua ng Brgy. Kalumpang, Our Lady of Guadalupe ng Brgy. Malanday, at Nativity of our Lady ng Brgy. IVC. Nakiisa rin ang San Isidro Labrador, patron ng Balanti, Cainta, Rizal.
Mark Andrei de Leon | OLA Social Communications