Bakit ipinagdiriwang ngayon ang Kapistahan ng “Upuan” ni San Pedro? Sa wikang Ingles ay ang tawag po sa pista ngayon ay “Feast of the Chair of St. Peter”. Hindi naman literal na upuan ang ipinagdiriwang ngayon kundi ang kapangyarihan o awtoridad ni San Pedro na ibinigay sa kanya ni Hesus. Si San Pedro ang kauna-unahang Santo Papa ng Simbahang Katolika. Mayroong hindi napuputol na linya ng pagsusunud-sunod ng mga Santo Papa mula kay San Pedro hanggang sa kasalukuyang kinatawan ni Kristo (Vicar of Christ) na si Papa Francisco.
Sa ebanghelyo natin ngayon, natunghayan nating nagtanong si Hesus kay Pedro kung sino Siya. Si Pedro ang sumagot at ang sabi niya, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Kilala ni San Pedro si Hesus. Bagaman isa siyang taong may kahinaan, pabigla-bigla, at madaling matangay ng emosyon, mayroon siyang natatanging pananamapalataya kay Hesus. Kaya nga nung siya’y nagkasala at itinanggi niya si Hesus ay nagbalik-loob siya at natanggap pa rin ang pangako ng Panginoon. Hanggang sa dulo ng kanyang buhay, pinatunayan niyang siya’y naging matapat na alipin ng Diyos sa pagpako sa kanya sa baligtad na Krus.
Si Pedro ang batong pundasyon ng Simbahan. Niloob ng Diyos na magkaroon ng sariling pamahalaan ang Simbahan at maayos ito. Ang mga pari natin ay inoordinahan ng mga obispong ang pagsusunud-sunod ay mula pa sa hanay ng labindalawang apostol ni Hesus. Ang Simbahang Katolika ang tunay na Simbahan. Hindi man perpekto, dahil tao ring may kahinaan ang ating mga pastol, ang mahalaga ay pinili sila ng Diyos upang mamuno at gumabay sa atin.
Bilang mga taga-sunod at miyembro ng Simbahan, tungkulin naman nating alagaan sila sa pananalangin. Hindi nila kailangan ng matitinding kritisismong hindi pinag-isipan at hindi pinagdasalan kung ito ay tama o mali, kung mabuti o hindi at kung galing sa Diyos o hindi. Ang mahalagang unang gawin ay ang mahalin sila at ipanalangin. Lahat ng ating aksiyon, kahit ang pagtatama man kung talagang kailangan, ay dapat nagmumula sa banayad, payapa at nagmamahal na puso. Hindi sa galit o istorbong pusong madaling bulungan ng demonyo kung anong sasabihin dahil ito’y hitik sa emosyon.
Ipanalangin natin ang ating Santo Papa na si Francisco, mga obispo at ang tanang kaparian hindi lang ngayong araw na ito kundi sa araw-araw ng ating buhay. Tayo’y nakakatanggap ng malalaking pagpapala at panalangin mula sa kanila, tayo rin ay dapat magbigay.